NAGSAMPA ng kasong kriminal si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista sa Taguig City Prosecutor’s Office laban sa kanyang misis na si Patricia, na nagsiwalat sa sinasabing P1 bilyon tagong-yaman ng nabanggit na opisyal.
Kinompirma ni Bautista ang paghahain niya ng kasong qualified theft, extortion, robbery at grave coercion sa Taguig City Prosecutor’s Office, laban sa misis niyang si Patricia.
Hindi idinetalye ni Bautista ang nakasaad sa kanyang reklamo laban sa kanyang misis at sinabi lamang na nagsampa siya ng kaso nitong Martes.
Ayon sa abogado ni Patricia, plano rin nilang magsampa ng kaso laban kay Bautista at sa mga kasabwat ng opisyal.
Nag-ugat ang reklamo makaraan akusahan si Bautista ng kanyang misis ng pagkakaroon ng tagong-yaman.
Pinabulaanan ni Bautista ang akusasyon ng kanyang misis at sinabing handa siyang magbitiw sa puwesto kung ang kanyang personal na buhay na may kaugnayan sa sigalot nilang mag-asawa, ay makaapekto sa pagiging chairman niya sa Comelec. (JAJA GARCIA)