ANG dating editor ng Businessworld na si Mike Marasigan, si Butuan judge Godofredo B. Abul, Jr., at si Pasay Councilor Borbie Rivera — lahat sila ay hinatulan ng kamatayan ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa loob lamang ng isang linggo.
Si Marasigan patay agad, ang kanyang kapatid ay nasa kritikal na kondisyon hanggang ngayon. Patay rin agad si Judge Abul habang ang kanyang misis ay sugatan at hanggang ngayon ay nasa ospital pa. Naka-wheelchair at nagre-recover pa lamang sa nakaraang ambush sa kanya si Konsehal Borbie nang ratratin kamakalawa ng dalawang gunman sa harap mismo ng SM Southmall sa Las Piñas City — hindi na umabot nang buhay sa Asian Hospital & Medical Center.
Gunmen on the loose… Very alarming na ‘raw’ ayon sa Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Alam natin na isisisi na naman ito ng ilang sektor sa anti-drug war ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte at sa kanyang peyborit expression na “patayin ko ‘yan!”
Pero huwag po tayong maliligaw ng pagtingin. Ang una po nating pagpaliwanagin dito ang Philippine National Police (PNP). Huwag nating kalimutan na ginagaya o inuulit ang isang krimen kung naging inutil ang pulisya sa mga kasong paulit-ulit na nangyayari gaya nga ng sunod-sunod na pamamaslang nito lamang nakaraang linggo.
Police visibility pa rin ang unang dapat na i-check kung bakit napakalakas ng loob ngayon ng sandamakmak na hired killer na gustong-gustong magpa-almusal, tanghalian, hapunan ng ‘bala’ sa kanilang mga target.
At ‘yan ay ginagawa nila sa mga oras o lugar na marami pang tao.
Wattafak?! Si Judge Abul ay mismong sa harap ng kanyang bahay. Habang sina Marasigan (sa San Juan) at si Konsehal Borbie (SM Southmall, Las Piñas) ay kapwa sa mataong lugar.
What’s happening to our policemen, Gen. Bato?! Kaya n’yo ba talagang pangalagaan ang peace and order sa ating bansa?
Totoong maraming komunidad sa Metro Manila ang nagkaroon ng katahimikan nang sunod-sunod na napapaslang ang mga sinasabing drug addicts at drug pushers. Pero, mukhang ito rin ang ginagamit na ‘kalasag’ ng hired killers ngayon kaya hindi sila natitimbog ng mga pulis.
Pero noon pa man, sinasabi na natin, ang police visibility ay nakatutulong nang malaki upang sagkaan ang masasamang hangarin ng mga kriminal. Kung kulang ang police visibility at kung walang nahuhuli at napaparusahang kriminal tiyak na paulit-ulit na mangyayari ‘yan.
Idagdag pa ang ‘culture of impunity’ na matagal nang umiiral kahit hindi pa si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang presidente ng bansa.
Kung patuloy na ganito ang iiral sa ating bansa, ang lagi na lang nating maitatanong: “Who’s next Gen. Bato?” Tsk tsk tsk…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com