NAGWAKAS ang six-game winning streak ng NLEX noong Sabado nang sila ay talunin ng defending champion Barangay Ginebra, 110-97 sa kanilang out-of-town game sa Calasiao Sports Complex sa Pangasinan.
Bumagsak sa 4-1 ang karta ng mga bata ni coach Joseller “Yeng” Guiao. Bale six games ang kanilang winning streak kasi napanalunan nila ang huling dalawang laro nila sa nakaraang Commissioner’s Cup.
Sa kasalukuyang Governors Cup ay nanalo ang NLEX sa unang apat na laro kontra sa Alaska Milk (112-104), Kia Picanto (100-93), Rain Or Shine(122-114) at Phoenix (95-91).
Kung magugunita natin, bago sila nanalo sa Commissioner’s Cup ay nagkaroon sila ng 11-game losing streak.
At bago nagsimula ang losing streak na iyon ay nanalo rin sila sa isang out-of-town game kung saan binigo nila ang TNT Katropa sa Angeles University Foundation Gym sa Pampanga.
What a coincidence ano? Parehong out-of-town game ang simula at ang wakas ng streaks ng Road Warriors!
Siguradong nagtampo si Guiao sa kanyang mga bata at napagsabihan niya ang mga ito dahil sa kapabayaan.
Pero sinabi rin siguro niya na bumawi na lang sila.
Kasi, isang talo lang naman ito at may anim na games pa silang natitira sa elimination round. Kung panghihinaan agad sila ng loob dahil sa isang kabiguan ay masisirang lahat ang kanilang paghahanda at muli na naman silang matsu-tsugi.
Ayaw naman nilang maging complete failure ang season na ito para sa kanila.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua