NATAWA kami sa pag-amin ni Zaijian Jaranilla na nahihirapan siyang gumanap ng mabait na role.
Naganap ang pag-amin ng binatang-binata na ngayong si Santino bago ang screening ng pelikula nilang Hamog, isa sa kasali sa Pista ng Pelikulang Pilipino na mag-uumpisa sa Agosto 16 hanggang Agosto 22.
Ani Zaijian, “Para sa akin hindi naman po. Parang normal lang sa akin. Sa totoo lang po mas nahihirapan po talaga akong magpakabait. Ha ha ha!”
Katwiran pa ng batang actor, “Kasi sa hitsura ko ngayon parang hindi naman talaga ako mabait. Noong bata po ako makikita nila ako mukha akong inosente, pero iba na ngayon. Tingin nila sa akin mabait dahil nakikita pa rin nila sa akin si Santino (role niya sa seryeng ‘May Bukas Pa’). Pero sa loob-loob ko, sa sarili ko parang hindi naman (mabait).
Gagampanan ni Zaijian ang karakter ni Rashid, isang muslim na napabarkada sa mga “batang hamog” na namamalimos at nambibiktima ng mga motorista sa highway.
Unang naipalabas ang Hamog sa 2015 Cinema One Originals na tumatalakay sa buhay ng mga kabataan na tinatawag na mga “batang hamog” na sa kanilang murang edad ay nakagagawa na ng iba’t ibang krimen.
Sinabi pa ni Zaijian na hindi na siya nagdalawang-isip na tanggapin ang Hamog dahil agad siyang nakumbinse matapos basahin ang script. Hindi rin siya gaanong nahirapan sa mga ginawa niyang eksena at nagkaroon pa siya ng mga kaibigang batang hamog.
Base sa napanood namin, hindi pa rin nawawala ang galing niya sa pag-arte. Siya pa rin ang batang Santino na napanood sa iba’t iba niyang serye sa ABS-CBN.
Hindi rin siya nagpalamon sa galing ng kanyang co-star na si Therese Malvar na ilang beses kinilala ang husay sa iba’t ibang international film festival.
Nakakuha na ng iba’t ibang pagkilala ang Hamog bilang Outstanding Artistic Achievement sa Shanghai International Film Festival at itinanghal na Best Film sa Russian Critics Circle na ginanap sa Moscow International Film Festival na nagwagi rin ng Silver St. George Best Actress si Therese.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio