NAIS ni Senador Manny Pacquiao na patawan ang mga “epal” na politiko na ginagamit ang mga proyekto ng gobyerno upang i-promote ang kanilang sarili, ng parusang pagkabilanggo at multang hanggang P1 milyon.
Sa Senate Bill No. 1535 o Anti-Epal Law na inihain noong 1 Agosto, nais ni Pacquiao na ipagbawal sa incumbent government officials na angkinin ang kredito sa public works projects sa pamamagitan ng mga karatula.
“Although these government projects are facilitated by their office, the fact remains that these are funded by tax levied from the Filipino people. In colloquial terms, these public officials are referred to as ‘epal’ or credit-grabbers and attention-seekers,” pahayag ni Pacquiao.
“This unethical practice has led the public to believe that the projects named before the incumbent government officials are indeed sponsored by them, thus tolerating said officials to prematurely campaign for reelection and cultivate a culture of political patronage,” aniya pa.
Kasabay nito, sinabi ni Pacquiao, ang nasabing panukala ay naglalayon ding pagtibayin ang “honesty, integrity, and transparency to foster good governance in public service.”
Iniuutos din sa nasabing panukala sa Department of Public Works and Highways (DPWH), sa koordinasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Metro Manila Development Authority (MMDA), na baklasin ang lahat ng nakakabit na karatula na nag-aanunsiyo ng “proposed, ongoing, or existing public works project within three months after the effectivity of the proposal.”
Ang parusang isang taon pagkabilanggo at multang P100,000 hanggang P1 milyon ay ipapataw sa sino mang lalabag dito.
Sa pangalawang paglabag, ang politiko ay papatawan ng “absolute perpetual disqualification” sa paghawak ng posisyon sa tanggapan ng gobyerno.
May katulad ding panukala na inihain sina Senador Francis “Chiz” Escudero, at Senador JV Ejericto. Ang dalawang panukala ay nakabinbin sa Senate committee on public works.