ARESTADO ang isang turistang Jamaican national sa entrapment operation makaraang ireklamo ng isang ginang na kanyang naka-chat at naloko ng malaking halaga sa Caloocan City, kahapon ng hapon.
Kulong ang suspek na kinilalang si Alvin Williams, 32, turista mula sa bansang Jamaica, at pansamantalang naninirahan sa isang hotel sa Angeles City, Pampanga, nahaharap sa kasong paglabag sa Art. 293 ng Revised Penal Code of the Philippines, at kasong pagda-dala ng ilegal na droga.
Batay sa ulat ni PO3 Arjay Terrado, dakong 3:00 pm, inaresto ang suspek sa entrapment ope-ration ng pulisya sa Apple St., Gen. San Miguel, Brgy. 4, ng nasabing lungsod.
Nauna rito, naghain ng reklamo sa pulisya ang biktimang si Gemina Ysita, negosyante, nasa hustong gulang, sinasabing naloko ng suspek.
Napag-alaman, ang dalawa ay nagkakilala sa social media at sila ay nagkamabutihan.
Ayon sa isang biktima, unang humingi sa kanya ang suspek ng halagang P15,000, sinasabing dahil nagkaproblema sa Bureau of Immigration, na pinagbigyan ng biktima.
Nasundan pa ng ilang beses ang paghingi ng pera ng suspek at nitong huli ay P85,000 ang hinihingi kaya nagduda ang biktima.
Humingi ng tulong sa pulisya ang biktima at naglatag ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nakompiska mula sa suspek ang 105 gramo ng shabu at P150,000 cash.
Habang nakatakas ang mga kasabwat ng suspek na hinihinalang mga miyembro ng sindikato ng robbery extortion na nambibiktima gamit ang social media.
(ROMMEL SALES)