MATAGAL-TAGAL na ring panahon mga ‘igan na nagpapakasasa ang mga tarantadong sangkot sa “illegal terminal” d’yan sa Plaza Lawton. At sadya naman talagang nakapagtataka rin, na hindi matinag-tinag ang ilegalidad dito sa harap pa man din ng monumento ng ating magiting na bayaning si Gat. Andres Bonifacio sa Plaza Lawton!
Aba’y teka, magkanong halaga at hindi matuldukan? Anong pagkilos ang ginagawa ng Phi-lippine National Police (PNP) at Manila Parking Traffic Bureau (MPTB) upang masugpo ang kawalanghiyaan ng ilang pulis sa Maynila, ng tiwaling lingkod bayan ng Manila city hall at maging opisyal ng barangay na nakasasakop dito?
Nakalulungkot isipin mga ‘igan, sapagkat ‘ika nga ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada… “Manila forward ever…backward never…”
E, paanong magpo-forward, kung mismo umanong mga tao n’ya ang pilit na sumisira sa maganda sanang imahen ng Maynila? Dapat sana’y katuwang silang lahat sa pag-forward o pag-unlad ng Maynila. E, baliktad ‘igan, magiging katuwang sila ng kapwa nila tiwali sa pag-backward ng Maynila kung magtutuloy-tuloy ang kanilang pagiging salot ng lipunan! Aba’y huwag naman sana ‘igan!
Tulad na lamang ng tatlong pulis-Maynila na natimbog ng kapwa nila pulis na nangongotong umano sa illegal terminal sa Lawton. OMG! Kinilala si PO2 Joseph Tecson Buan, kasama ang dalawang Manila Police District (MPD) police, nang masukol sa planong operation ng Philippine National Police Counter Intelligence Task Force (PNP–CITF).
Sus ginoo, paano na ito ‘igan? Mabibigyan kaya ng tamang leksiyon ang umano’y kotongerong mga MPD police upang matuldukan ang mga kawalanghiyaan sa illegal terminal sa Plaza Lawton?
Aba, aba, aba’y idamay na rin mga ‘igan ang mga tiwali d’yan sa Manila city hall at opisyal ng barangay, na matagal-tagal na panahong nakikinabang at nagpapayaman dahil sa illegal terminal at sa illegal vendors sa Plaza Lawton. Mahirap man silang isa-isahin, pero, mag-isip-isip sana kayong mga damuho kayo! Malaking prehuwisyo ang ginagawa ninyo sa sambayanang Manilenyo! Nagpapakasasa kayo habang nagdurusa ang mga mamamayang biktima dahil sa krimen sa kanila!
Sa paglipad-lipad ng aking pipit-na-malupit nasulyapan niya ang mga walang takot na bus drivers na ipinaparada ang bus sa mismong highway sa thoroughfare sa Lawton. Sus ginoo! At take note mga ‘igan, kalsada ito na daanan ng iba’t ibang sasakyan at hindi terminal o parking lot na ipinupunto ng aking pipit na malupit. Hindi ba ito nakikita ng Plaza Lawton police commander na mismong sa harapan ng kanyang presinto naka-peka ang mga bus?
Ano’t walang takot ang mga sisiga-sigang bus drivers? Sinong mga tiwali sa Manila city hall ang may hawak sa mga animal kung kaya’t ang lalakas at ang kakapal ng mukhang gumawa ng mga kagagohan sa Lawton? At sino-sino kayang MPD police ang kasabwat sa kotongan-blues partikular sa illegal terminal sa Plaza Lawton?
Kung ating natatandaan, ipinagbawal ang pagpasok ng provincial buses sa Maynila. Pero, ano, sino at bakit ang mga bus na ‘yan ay puwedeng umarangkada sa Maynila? Sinong taga-Manila city hall, opisyal ng barangay at Manila Police District ang kausap at kasabwat ng mga damuho?
Aba’y mga ‘igan, pangalanan at kilalanin na ang mga ‘yan! Sobra na!
Paging MMDA Chairman Gen. Danilo Lim. Sir nawa’y maimbestigahan at papanagutin ang lahat ng sangkot sa katiwalian d’yan sa Plaza Lawton, partikular ang illegal terminal at illegal vendors na bumababoy sa Plaza Lawton at monumento ni Bonifacio. Pigilan na po silang nangongotong at ang kinokotongan na parehong mali ang inuugali.
Paging S/Insp. Randy Pasta Veran, pakidamay sa drug and anti-criminality campaign ninyo ang illegal terminal at illegal vendors na ugat ng kriminalidad sa lungsod Maynila.
E-mail Add: [email protected]
Mobile Number: 09055159740
BATO-BATO BALANI – ni Johnny Balani