NAGPAKALAT ng tinatayang 3,000 police personnel ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagsisimula ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Ministers Meeting sa Philippine International Convention Center (PICC), sa Pasay City kahapon.
Binigyang kasiguruhan ng NCRPO na handa at sapat ang seguridad na kanilang inilatag sa pagsisimula ng ASEAN Ministers Meeting.
Ayon kay NCRPO Chief Supt. Oscar Albayalde, hindi lamang sila nakatutok sa ASEAN Ministers Meeting kundi tuloy pa rin ang kanilang operasyon laban sa ilegal na droga partikular sa mga lugar na patuloy ang kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
Sinabi ni Albayalde, wala silang na-monitor na banta kaugnay sa ginaganap na ASEAN Ministers Meeting, na nagsimula kahapon at tatagal hanggang 8 Agosto.
Dagdag ng opisyal, hindi sila kampante para hindi sila malusutan ng masasamang elemento sa ginaganap na ASEAN Ministers Meeting na nilalahukan ng 27 bansang miyembro ng ASEAN.
(JAJA GARCIA)