HINDI na bago ang pagiging dedicated ni Coco Martin sa kanyang trabaho bilang aktor. Kaya naman sa pagdidirehe niya ng Ang Panday, na entry ngCCM Productions sa Metro Manila Film Festival tiyak na ang ganitong pag-uugali niya.
Subalit hindi pa rin maiwasang mamangha ng mga katrabaho niya sa dedikasyong ipinakikita ng aktor. Tulad ng location manager nilang si Elmer Cruz na pansing-pansin ang pagiging metikuloso at mabusisi ni Coco sa pagdidirehe.
Ayon kay Cruz, hanga siya sa aktor dahil laging nauuna ito sa set kahit ala singko pa ng umaga ang call time. ”Sa pagdidirek niya, metikuloso siya. Lahat ng anggulo, lahat ng props, lahat sa location, pinakakailaman niya. Walang arte-arte. Gusto niya trabaho lang,” kuwento ni Cruz.
Madetalye naman at specific sa kung anong gusto si Coco, sambit naman ng Executive Producer na si Isha Germentil.
Aniya, inuulit pa nila ang ibang eksena para maging perpekto. ”Si Direk Coco bilang direktor, madetalye. Alam niya ‘yung gusto niya, alam niya ‘yung itinatakbo ng kuwento. Alam niya ‘yung gusto niyang emosyon doon sa mga artistang kasama niya.”
Maging si Malou Crisologo, Supervising Producer at katrabaho ni Coco sa nangungunang teleserye sa bansa, Ang Probinsyano, ay tinawag ang aktor na ”Director who is a brilliant actor” dahil nagdidirehe rin si Coco sa kanyang perspektibo bilang aktor.
“Hindi lahat ng direktor tulad ni direk Coco. Plus point talaga that he is a brilliant actor. Not just an actor, he is a very brilliant thinking actor na ngayon ina-apply niya sa pagiging direktor niya.”
Bukod dito, hindi rin nakalilimutan ni Direk Coco na alagaan ang mga staff at co-actors niya. Tinitiyak din ng aktor na maayos ang mga kalagayan nito kahit pa nasa mataong set sila.
Sinabi naman ni Nancy Arcega, Production Designer, na magaganda ang mga kuha nila at masaya si Direk Coco sa nagawa nilang iyon.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio