MAGSILBING babala sana sa mga opisyal ng pamahalaan, mga politiko at taong gobyerno na naiuugnay sa ilegal na droga ang nangyari sa pamilya ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog nitong mga nakaraang araw nang salakayin ng pulisya ang kanyang bahay na ikinasawi niya, ng kanyang misis, mga kapatid at mga kasamahan.
Nakaumang na naman ang tila kamay na bakal ng kampanya kontra ilegal na droga, sa pagkakataong ito, laban naman sa malalaki at kilalang tao sa mundo ng politika. Ito ay base na rin sa mga pahayag na binitiwan ni Chief PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa, isang araw matapos ang operasyon sa Ozamiz na ikinaaresto rin ng anak ng alkalde na si Ozamiz Vice Mayor Nova Princess Parojinog.
Marami pa raw ang susunod na mga politiko o taong gobyerno na sangkot sa ilegal na droga ang kanilang susugpuin. Sila na mga una nang pinangalanan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na kanya na ring binalaan na tumigil na sa ganitong uri ng negosyo.
Tahimik pa ang pangulo hinggil sa nangyaring operasyon, pero naniniwala tayong marami pa ngang susunod na mga raid at operasyon laban sa mga taong konektado sa droga. At naniniwala rin tayo na may kukuwestiyon sa bawat operasyong gagawin ng pulisya lalo na kung halatang may overkill na pangyayari.
Habang tayo ay pumapabor sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga, naniniwala tayo na dapat ay nasa proseso o nasa ayos ang bawat gagawing operasyon. Due process pa rin dapat ang pinaiiral, hindi palaging dahas. Kaya hindi nawawala ang duda ng ilan na mayroong mga paglabag na nagawa sa oras ng operasyon dahil halatang-halata ang mga pinagtagni-tagning istorya. Nasa tamang paraan sana at hindi garapal!