IBANG klase rin pala mag-isip ang barangay chairperson ng Barangay 18, Sona 2, Distrito II sa Lungsod ng Caloocan na si Emma Marie Galupe.
Apat na taon na ang nakalilipas, ang Sto. Niño Daycare Center at eskuwelahan sa barangay ay ginawa niyang selda ng tao o kulungan.
Wattafak?!
Eskuwelahan ginawang kulungan?
May karapatan bang magkulong ng tao ang barangay?!
Sa kabila na wala man lang abiso at wala sa proseso ang desisyon ni Chairwoman Galupe, iprinoseso ng mga residente sa Barangay 18 ang kanilang reklamo.
Naghain sila ng petisyon sa Sangguniang Panglungsod ng Caloocan noong Nobyembre 2015 para maibalik ang kanilang daycare center.
Pero inilipat ng Konseho ang usapin sa Education Committee na pinamumunuan ni Konsehal Rose Mercado na inilipat naman sa Caloocan City Social Welfare Department (CCSWD).
Sa loob ng apat na taon ay nagpabalik-balik ang Barangay 18 sa city hall at sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para i-follow-up ang kanilang hinaing.
Pero wala pa ring nangyayari kaya dumulog na sila sa DSWD NCR.
Itinalaga ni Director Vincent Andrew T. Leyson sina Ms. Virginia C. Daniles at Ms. Charm Suzette Gregorio na nakipag-ugnayan naman sa Caloocan City Social Welfare Department.
Dahil sa nasabing aksiyon, nagkaroon ng kasunduan ang DSWD at Barangay 18 na sa pagbubukas ng klase ngayong taon (2017) ay ibabalik ang daycare.
Pero anong petsa na? Agosto na hanggang ngayon, sarado pa rin ang Sto. Niño Daycare Center at pinamamalaging kulungan.
Wala nang ibang masulingan ang mga taga-Barangay 18 kaya napilitan na silang lumapit sa Malacañang para magpasaklolo kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Mayor Oca Malapitan, matagal na raw pong inilapit sa inyo ang kasong ito pero parang ‘lumayo’ lang ang pag-asa ng mga taga-Barangay 18 na muling buksan ang kanilang daycare center.
Ipinatatanong po ng constituents ninyo sa Barangay 18, Mayor Oca, ano ba ang mahalaga edukasyon para sa ating mga kabataan o kulungan na hindi naman makulungan dahil wala namang karapatan ang barangay na magkulong ng tao?!
Mayor Oca Malapitan, pakilapit naman ang puso ninyo sa mga pre-schoolers diyan sa Barangay 18.
Hayaan naman po ninyong makatikim sila ng libreng edukasyon mula sa inyong pagkalinga.
Iisa lang po ang hiling nila, ibalik ang Sto. Niño Daycare Center sa mga bata.
Puwede bang aksiyonan ninyo agad ito, Mayor Oca?!
O baka naman mas gusto ninyong si Tatay Digong ang umaksiyon?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com