APAT katao ang patay, kabilang ang hinihinalang opisyal ng rebeldeng komunista, sa pakikisagupa sa pinagsanib na puwersa ng mga pulis at militar sa Sorsogon, nitong Biyernes ng madaling-araw.
Ayon sa inisyal na ulat na natanggap ng Philippine National Police headquarters, kinilala ang isa sa mga napatay na si Andres Hubilla, kalihim ng Komiteng Probinsiya 3 Proletarian Regional Bicol Committee, Sorsogon.
Habang hindi pa nakukuha ang pagkaka-kilanlan ng tatlo pang napatay.
Samantala, walang napaulat na nasugatan o namatay sa panig ng mga tropa ng gobyerno.
Napag-alaman, dakong 5:00 am nang makasagupa ng mga puwersa ng Sorsogon Provincial Police Office, RIU5; 96 MICO; Alpha Coy 22nd Infantry Battalion, at 31st IB ng Philippine Army ang tinatayang 30 rebeldeng komunista sa Sitio Namoro, Brgy. Trece Martires, Casiguran, Sorsogon,
Umabot sa 30 minuto ang palitan ng putok ng dalawang panig.
Sa Pangasinan
PULIS PATAY,
3 SUGATAN SA NPA
PATAY ang isang pulis habang tatlo ang sugatan makaraan makasagupa ang hindi nabilang na miyembro ng hinihinalang New People’s Army sa San Nicolas, Pangasinan, nitong Biyernes ng umaga.
Sinabi ni Chief Ins-pector Arnold Soriano, chief of police ng San Nicolas, nakatanggap sila ng inisyal na impormasyon hinggil sa enkuwentro ngunit wala pa silang natatagpuang bangkay.
Sa inisyal na ulat, dakong 9:30 am, habang nasa major combat ope-ration ang mga miyembro ng Regional Public Safety Battallion 1, natiyempohan nila ang mga rebelde sa mabundok na hangganan ng Brgy. Sta Maria at Brgy. Malico.
Sinabi ni Soriano, nahirapan sila sa pakikipag-ugnayan sa kanyang mga tauhan habang nakiki-sagupa dahil ang lugar ay malayo.
Ngunit kalaunan ay idineploy ang karagdagang team mula sa Provincial Public Safety Company at 84th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Bunsod ng insidente, ang iba pang kalapit na bayan sa 6th district ng probinsiya ay isinailalim sa “full alert.”