LUMAKAS at inaasahang mas lalakas pa ang bagyong Gorio habang patuloy nitong pinag-iibayo ang hanging habagat na nakaaapekto sa ilang bahagi ng Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kahapon.
Magiging maulap na may pabugso-bugsong pag-ulan at pagkidlat sa ilang bahagi ng Luzon, samantala magiging maganda ang lagay ng panahon ngunit may panaka-nakang pag-ulan sa Visayas at Mindanao, ayon sa ulat-panahon ng PAGASA nitong Biyernes, dakong 5:00 pm.
Itinaas na ang tro-pical cyclone warning signal number 2 sa Batanes, habang signal number 1 sa Babuyan Group of Islands.
Magiging maulan pa rin sa Metro Manila, Ilocos region, Central Luzon, MIMAROPA, at CALABARZON.
Pinag-iingat pa rin ang mga nakatira sa na-sabing mga lugar mula sa posibleng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.
Magpapatuloy ang pabugso-bugsong pag-ulan sa Metro Manila ngayong Sabado, habang inaasahang bubuti na ang panahon bukas, araw ng Linggo.
Ipinagbabawal pa rin sa maliliit na sasakyang pandagat ang paglalayag sa karagatan sa Hilagang Luzon at sa kanlurang karagatan ng Gitnang Luzon.
Huling namataan ang bagyo sa 300 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes at kumikilos nang pahilaga, hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
May lakas ng hanging umaabot sa 120 kilometro kada oras, at bugso ng hanging nasa 145 kilometro kada oras.
Habang papalapit ng Taiwan ang bagyong Gorio, inaasahang mas lalakas pa ito.
Sa Linggo ng hapon inaasahang nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Gorio.
Samantala, inaasa-hang hihina ang tropical depression na namataan sa 600 kilometro sa kanluran ng Calayan, Caga-yan sa labas ng Philippine Area of Responsiblity.
Hihigupin ito ng bagyong Gorio at tinata-yang hindi na papasok sa PAR.
Inanod sa dalampasigan
TONE-TONELADANG
BASURA HINAKOT
SA MANILA BAY
TONE-TONELADANG basura ang inanod sa dalampasigan ng Manila Bay sa kasagsagan nang malakas na ulan dulot ng Bagyong Gorio, nitong Biyernes.
Naipon ang mga plastik ng shampoo, sitsirya, bote, styrofoam, kahoy, at kawayan sa baybaying malapit sa bakuran ng US Embassy hanggang sa opisina ng Philippine Navy.
Napuno ang isang truck ng basura nang magsagawa ng mano-manong paghahakot ng basura ang Manila Department of Public Services.
183 PAMILYA
SA VALENZUELA,
MALABON INILIKAS
— NDRRMC
UMABOT sa kabuuang 183 families o 664 katao mula sa Valenzuela City at Malabon City ang inilikas bunsod nang malakas na buhos ng ulan dulot ng Habagat na pinalakas ng bagyong Gorio, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nitong Biyernes.
Sa situation report dakong 8:00 am kahapon, sinabi ng NDRRMC, ang nasabing mga pamilya ay kasalukuyan nang nananatili sa itinalagang evacuation centers.
Ang bakwit ay mula sa pitong barangay ng Valenzuela City at isang barangay sa Malabon City.