NALUNOD ang isang 30-anyos tauhan ng Maynilad habang nag-aalis ng bumarang basura sa imburnal sa Tondo, Maynila, kamakalawa.
Kinilala ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, ang biktimang si Jobani Luzon, 30, project employee ng Maynilad, at residente sa 1227 Block 12, Gumaoc West, San Jose del Monte, Bulacan.
Base sa ulat ng pulis-ya, dakong 1:10 am nang maganap ang insidente sa panulukan ng Antonio Rivera St. at Claro M. Recto Ave., Tondo.
Nahirapan ang rescue team sa pag-ahon sa biktima kaya gumamit ng vacuum trucks sa malalim at madilim na imburnal.
Ayon sa ulat, lumusong ang biktima sa isang baradong imburnal, gamit ang diving apparatus para alisin ang mga basurang bumara roon upang maiwasan ang pagbaha dahil sa malakas na pag-ulan dulot ng hanging habagat na hinila ng bagyong Gorio.
Ngunit ayon sa kasama niyang si Mark Joseph Castro, 22, nagtaka siya nang hindi na tumutugon ang biktima nang hilahin niya ang lubid na nakatali sa katawan ni Luzon.
Nagpasya siyang hilahin ang biktima paitaas ngunit ang nakita niyang nakatali roon ay isang sakong puno ng basura imbes si Luzon.
Posible aniyang may inabot na basura ang biktima na malayo sa kanya kaya inalis ang tali sa kanyang katawan at itinali pansamantala sa sako ngunit minalas na nalu-nod.
Isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival. (BRIAN GEM BILASANO)