NAGKATOTOO ang kasabihang “Ang basurang itinapon mo ay babalik sa iyo” nang pumutok sa social media lalo sa mga mamamahayag ang ka bulastugan ng mga nasa likod ng publisidad ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada hinggil sa Manila Bay Clean-Up Drive ng lungsod.
Sabi nga sa Facebook accounts ng ilang mediamen, nakahihiya na nagpatapon ng basura sa Manila Bay si Estrada para may mapulot at makunan ng retrato kaya malinaw na photo ops lang ang nangyari.
May nag-comment nga sa post ni Ellen Fernando ng Pilipino Star Ngayon: “Nakakainis. Ang tanda sa pulitika… feeling niya kaya pa rin paikutin ang tao. Baliw din iyong nagtapon ng basura para kunwari may makuha si tanda. Kung doon sila nagpunta sa pagitan ng Hotel H2O at Manila Hotel marami silang makukuhang basura.”
Dagdag ng isa: “Everything is done in the name of politics. Kaipokritohan at pakitang tao lahat.”
Wala naman akong nasabi kundi “tumandang walang pinagkatandaan” patungkol sa sinumang nasa Public Information Office ni Erap na nagpatapon ng basura sa Manila Bay. Pero hindi ako naniniwalang gagawin ito ng isang dating kasamahan sa Manila Bulletin. Mataas ang paggalang ko sa kanya lalo’t kaibigan siyang matalik ng yumao kong tiyuhin na mamamahayag din — si FC Borlongan.
Mas duda ako sa may-ari ng isang PR firm na kinuha ni Erap, tubong-Mindanao at dating reporter sa isang broadsheet. Tumanyag siya nang hayaang magkampeon ang Filipinas sa World Little League Baseball sa United States noong 1990s bago ibinistong may overage sa ating koponan kaya binawi ang korona at luhaang umuwi ang mga batang nagwagi laban sa mas matatangkad na Amerikano.
Matagal nang uso ang tinatawag na “drawing” para mapansin sa pamahayagan ngunit dapat na sigurong sibakin ni Erap kung sino ang nagplano ng photo ops sa kanyang Manila Bay Clean-Up Drive dahil may mga lugar naman sa Manila Bay na dapat nilang pinuntahan na maraming nakalutang na basura.
Malinaw namang may kasalanan si Erap sa nangyari dahil ang ganitong kaipokritohan ay panloloko lamang sa mamamayan lalo’t lumabas sa mga pahayagan.
Marahil, mas magiging makabuluhan ang kanyang PR kung pasisimulan na niya ang planong dredging sa Pasig River dahil tiyak itong kapakipakinabang. Bukod sa makatutulong labanan ang baha sa kaunting pag-ulan, tiyak na magpapaganda pa ito sa kalidad ng tubig kapag napalalim ang makasaysayang ilog ng Maynila.
O kaya, simulan na niya ang relokasyon ng mga iskuwater na nakatulos ang barumbarong sa mga estero at tabi ng Pasig River. Malinaw ito sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, dapat tumulong ang local government units (LGUs) sa paglilinis sa Pasig River.
Pero masasabing “outstanding” ang hindi pagkilos ni Erap para linisin ang pamosong ilog. Dahil ba mawawalan siya ng kolonya ng mga botante sa halalan sa 2019?
Adaw!
ABOT- SIPAT – Ariel Dim Borlongan
Check Also
Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty
SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …
Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi
AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …
Gunning for amendments
FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …
Seguridad ng QCitizens sa ‘Misa De Gallo’ tiniyak ni Buslig
AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …
3 araw ng Metro road deaths
FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …