ISANG batalyon ng contingent ang idineploy ng Philippine National Police Special Action Force bilang kapalit ng daan-daang police commandos na nagbabantay sa New Bilibid Prison sa gitna ng mga ulat nang pagnumbalik ng illegal drug trade sa loob ng national penitentiary.
Nitong Lunes, sinabi ni Justice Undersecretary Antonio Kho, Jr. sa mga mamamahayag, na ang bagong SAF contingent ang pumalit sa security operation sa NBP maximum security compound nitong Sabado.
Hinggil sa ulat na ang drug trade ay nalipat sa medium security compound kasunod ng regular raids na ipinatutupad sa maximum security compound at Building 14 na kinapipiitan ng high profile inmates, sinabi ni Kho na agad niya itong tutugunan.
“We want the SAF to provide additional complement (force) but they are also involved in many activities. We cannot compel them or ask them to guard the entire NBP,” ayon kay Kho.
Tinatayang 400 SAF troopers ang itinalaga sa NBP noong Hulyo 2016, kasunod ng intelligence reports na patuloy ang high-profile inmates sa operasyon ng illegal drugs gamit ang mobile phones sa kanilang mga transaksiyon.
Gayonman, nabalot sa kontrobersiya ang “tour of duty” ng SAF nang ibunyag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II nitong buwan, na ang police commandos ay maaaring sangkot sa ilegal na aktibidad, nagresulta sa pagnumbalik ng illegal drug trade sa piitan.