HINIGPITAN ng pulisya at militar ang seguridad para sa pangalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, kasunod ng mga pag-atake ng rebeldeng komunista, ayon sa pulisya kahapon.
Ipinabatid na ng mga awtoridad ang security protocol sa activist groups na magpoprotesta sa SONA, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde.
“Nakiusap din po tayo na on their ranks, kailangan po nilang bantayan kasi baka malusutan tayo,” pahayag ni Albayalde.
“Alam naman po natin ngayon na nagkaproblema sa peace talks at may problema tayo sa CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Phi-lippines-New People’s Army-National Democratic Front) kaya kaila-ngan po talagang mahigpit ang pagbabantay natin sa kanilang hanay.”
Gayonman, inilinaw ni Albayalde, na walang na-monitor na ano mang banta sa SONA ang intelligence units.
Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Duterte, nagpasya siyang abandonahin ang peace negotiations sa NDF makaraan atakehin ng mga NPA ang mga tropa ng pamahalaan sa mga lalawigan.
Bunsod nito, 6,300 pulis at 300 sundalo ang ini-deploy para sa seguridad ng SONA, mahigit pa sa 4,000 strong contingent nitong nakaraang taon, ayon kay Albayalde.
Gayonman, pahihintulutan ang mga kritiko ng administrasyon na maglunsad ng protesta.