NAPANSIN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang malaking proyekto nina Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pep” Goitia at Laguna Lake Development Authority (LLDA) General Manager Jaime C. Medina na Pasig River-Laguna de Bai Multi-modal Express Transport na tiyak lulutas sa malalang trapiko sa Metro Manila at Southern Tagalog.
Sa pulong sa Davao City kamakailan, personal niyang inatasan si Sen. Manny Pacquiao na tulungan si Ka Pep katuwang ang iba pang ahensiya na maisakatuparan ang proyektong tiniyak na magiging makabuluhan upang lumikha ng maraming trabaho at makabawas sa grabeng trapiko sa Metro Manila sa multi-modal express na light rail transportation at ferry boat system na babaybay nang balikan mula Pasig River hanggang Laguna de Bay.
Sa pulong kamakalawa sa Senado na dinaluhan nina Goitia, Medina, Metro Manila Development Authority General Manager Tim Orbos at mga kinatawan ng Light Rail Transit-2 at Department of Environment and Natural Resources, masayang inihayag ni Pacquiao na magsisikap siya upang matupad ang layunin ni Ka Pep, lalo ang mithiiin nitong maging Class C ang kalidad ng tubig sa Pasig River.
Kagagaling lang ni Ka Pep sa China at Australia at nasaksihan niya mismo ang magagandang tanawin ng mga lawas-tubig na nagpalakas sa turismo ng nasabing mga bansa. Sabi nga ni Goitia: “Bahagi ng ating kasaysayan ang ruta mula Pasig River hanggang Laguna de Bai kaya malaki ang pananalig ko na malilinis natin ang ilog at lawa para sa episyenteng proyekto na magagamit nang may 15 milyong commuters mula sa Metro Manila hanggang sa Laguna.”
Unang layunin nina Goitia at Medina na maibalik ang kalidad ng tubig ng Pasig River sa Class C na maaaring mabuhay ang lamang-tubig at angkop sa transportasyon, paglilibang at turismo. Kapag nagawa ito, puwede nang simulan ang ferry service na makalilibot ang publiko at turista hanggang sa trading centers at tourist spots sa Laguna Lake.
Dagdag ni Goitia na pangulo rin ng PDP Laban San Juan City Council: “Hindi lamang maibabalik ang makasaysayang ruta ng Pasig River at Laguna de Bai sa kondisyon para sa malusog na pamumuhay at ecotourism, makabuluhang proyekto rin ito para makapagbigay ng libo-libong trabaho sa ating mga kababayan upang makaigpaw sa kahirapan. Sa pagtutulungan nang lahat matutupad ang layunin ni Pangulong Rodrigo Duterte na maiangat ang kabuhayan ng ating mamamayan.”
Para naman kay Pacquiao, may maipapamana siya hindi lamang bilang eight-division world champion sa professional boxing.
Maganda rin mailarawan siya bilang “kampeon ng Pasig River” kung matutupad ang pangarap ni Ka Pep sa makasaysayang ilog.
ABOT-SIPAT – Ariel Dim Borlongan