ISANG chief of police (COP) at apat na pulis ang patay habang dalawa ang sugatan makaraan tambangan ng hinihinalang mga miyembro ng rebeldeng komunista sa lungsod ng Guihulngan, Negros Oriental nitong Biyernes.
Sinabi ni Col. Elizier Losanes, commander ng Philippine Army 303rd Infantry Brigade, ang Sangguniang Bayan member ay inatake ng hinihinalang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Sitio Magtiid, Brgy. Magsaysay sa Guihulngan.
Kasunod nito ang sagupaan ng mga gerilya at nagrespondeng mga pulis, ayon sa ulat ng Army.
Makaraan ang sagupaan, limang pulis ang namatay, kabilang si Guihulngan police chief, Supt. Arnel Arpon, habang dalawa pang pulis ang nasugatan.
Nitong Miyerkoles, isang militiaman ang napatay habang apat miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang sugatan sa ambush ng NPA sa Arakan, North Cotobato.
Habang sa lalawigan ng Palawan, dalawang miyembro ng Philippine Marines ang napatay ng NPA rebels nitong Miyerkoles, at binomba ang military truck nitong Martes.