TINUTUGIS ng mga operatiba ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) ang isang babaeng sinasabing nagpa-book sa TNVC express rider para ipadala ang wallet na may lamang marijuana.
Si “Marlon,” hindi tunay na pangalan, TNVC express rider, ay nakatanggap ng booking mula sa isang female sender na ang pick-up point ay sa NAIA Terminal 1 Departure Area nitong 17 Hulyo. Ang item na ide-deliver ay wallet na dadalhin sa Makati City.
“Tinext ko po siya kung ano po ang ipapa-dala niya. Sabi niya po, wallet o pouch. Siya na po ang lumapit sa akin… parang dadalhin sa kapatid niya sa isang school,” salaysay ni Marlon.
Nang buksan niya ang wallet at i-tsek ang laman nito, nakita niya ang P20 bill, kendi, at isang maliit na piraso ng papel. Ngunit nakaramdam ng kaba si Marlon.
“Kinakabahan na po ako, itinigil ko po ang motor ko. Tsinek ko po ‘yung motor baka sira. Biglang pumasok sa isip ko na i-check ang pouch. Noong pangalawa ko pong pagbukas, naalog po kaya ito na ang bumungad sa akin. Pagkita ko po ito na po ang bumungad sa akin,” aniya.
Sa muling pagbusisi sa wallet, nakita ni Marlon ang dalawang sachet ng marijuana na nakabalot sa P20 bill. Bunsod nito, agad niyang pinadalhan ng mensahe ang “receiver.”
“Sir, kako alam n’yo po ba ang laman ng wallet na ito. Isusumbong ko po kayo sa pulis, kasi ginagawa n’yo pong gago ang Grab at mga rider. Sagot sa akin, sir hindi ko po alam iyan, ipinapadala lang po sa akin iyan ng tita ko,’” salaysay ni Marlon.
Pagkaraan, nakatanggap ng text message si Marlon mula sa female sender.
“‘Yung babae nag-chat po ulit sakin, ‘kuya kung pupuwede ‘wag na raw pahabain ito dahil mangingibang-bansa ako para sa pamilya ko,” aniya.
Bumalik si Marlon sa TNVC office at ini-report ang insidente.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang babae upang masampahan ng kaso.
Ayon sa PNP-DEG, ang modus na paggamit ng courier sa pag-deliver ng kontrabando ay hindi na bago.
Sinabi ni Atty. Enrico Rigor, spokesperson ng PNP Drug Enforcement Group, “Kapag may gusto silang ipa-deliver o ipa-pickup, usually may mga courier service na nako-contact. Given na may fictitious names ang drug pushers. Pag na-contact nila ang mga courier services, naide-deliver ang mga item sa dapat pag-deliver-an without the risk sa kanila.”