KAPANSIN-PANSIN ang pagkapayat ng comedy actress na si Ai Ai delas Alas sa katatapos na 40th Gawad Urian na ginanap sa ABS-CBN noong Huwebes ng gabi. At napag-alaman naming organic food ang kinakain niya.
“One year and four months na. Lahat ng food organics—fruits, vegetables and no meat and no dairies, no rice din kasi bawal sa akin dapat gluten free lahat,” anito na isa ring nominado bilang Best Actress para sa pelikula niyang Area.
Naikuwento rin ni Ai Ai na magkasama sila ni Sharon Cuneta na nag-show sa Amerika. “Oo magkasama kami sa Amerika, nag-show kami ng aking BFF (Sharon). Tapos doon pa lang nag-loose na siya ng ilang lbs, siguro 8 yun tapos dumating siya rito nag-loose na naman siya.”
Nang matanong naman kung nag-e-expect siyang mananalo ng gabing iyon, sinabi nitong, “I’m not expecting, kumbaga, praise God (kung mananalo). Andito ako bukod sa presenter, siyempre ‘yung idol (Vilma Santos) ko Hall of Famer. Sinusuportahan ko ang aking idolo,” masayang pakikitsika pa nito.
Ukol naman sa nalalapit niyang kasal, sinabi nitong gagawin iyon sa Disyembre 12. “’Yung mga detalye hindi pa masyadong napag-uusapan, inuna muna ang date.”
At dahil nasa bakuran siya ng Kapamilya Network noong Huwebes ng gabi, natanong din ang magaling na komedyana kung babalik na ba siya sa ABS-CBN?
“Hindi pa ngayon, in God’s time. Makababalik tayo rito.”
Samantala anim sa 14 kategorya sa 40th Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino ang nakuha ng pelikulang Women of the Weeping River.
Kasama sa anim na tropeong nakuha ng Women of the Weeping River ang Best Picture, Best Director, (Sheron Dayoc); Best Supporting Actress, (Sharifa Pearlsia Ali-Dans); Best Cinematography, (Rommel Sales); Best Screenplay (Sheron Dayoc); at Best Editing (Carlo Francisco Manatad).
Itinanghal namang Best Actor at Best Actress sina Paolo Ballesteros para sa pelikulang Die Beautiful at Hasmin Kilip para sa Pamilya Ordinaryo movie.
Bale nakadalawang tropeo ang Die Beautiful na bukod kay Ballesteros, si Christian Bables naman ang itinanghal na Best Supporting Actor.
Nakakuha naman ng tig-isang award ang Saving Sally bilang Best Production Design (Erik Manalo, Rommel Laquian, at Rocketsheep Studio); Tuos bilang Best Music (Jema Pamintuan); Hinulid bilang Best Sound (Mark Laccay); Sunday Beauty Queen bilang Best Documentary Film; at Nakaw bilang Best Short Film.
Binigyan naman ng Natatanging Gawad Urian (Lifetime Achievement Award ang Star for All Season at Congressman Vilma Santos.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio