SA wakas, isang Presidente ang nakakita sa isyung matagal na nating binubulabog sa ating kolum.
‘Yan ‘yung exemption dati ng mga Casino sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act of 2001.
Pero sa bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na Republic Act 10927 (An Act Designating Casinos as Covered Persons) tuluyan nang mabibigo ang mga money launderer na NAGLALABADA ng kuwarta nila sa mga casino.
Nakasaad sa bagong batas na nilagdaan ni tatay Digong, ang isang casino cash transaction na nagkakahalaga ng P5 milyon o katumbas nito sa ano mang currency ay itinuturing na “covered transaction” at dapat iulat sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Hindi pa natin nalilimutan ang insidente sa Solaire Casino na ilan sa Chinese high rollers na kliyente ng negosyanteng si Kim ‘ninong’ Wong ay ginamit ang US$81 milyon pera ng Bangladesh na ninakaw sa Federal Reserve Bank sa New York at inilipat sa account ng anim na Filipino sa RCBC Jupiter branch noong 2016.
Umabot ang imbestigasyon sa Senado. Itinuro ni RCBC bank manager Maya Deguito na sabit sa krimen si Wong, may-ari ng Eastern Hawaii Casino, na nag-o-operate sa ilalim ng lisensiya ng Cagayan Export Zone Authority (CEZA), at kilalang nasa likod ng malalaking gambling operations sa bansa.
Pero sa huli, nangako si Wong na ibabalik niya ang nasabing halaga para huwag siyang makasuhan. (Naibalik nga pero parang kulang pa?)
Ang alam natin, ang nadiin dito ay ‘yung pobreng bank manager ng RCBC na napahiya pa sa kanyang pamilya nang hindi payagang makalabas ng bansa para mag-tour sa Japan.
History na po ‘yan.
Pero ang tanong natin rito, kahit nasasaklaw na ng AMLA ang mga casino, iulat kaya nila kung sino ang mga lokal at dayuhang casino player na naglalaro nang higit P5 milyon sa kanilang establisiyemento?
Lalo na ang mga junket operator na naglalagay ng hindi bababa sa P50 milyones para sa kanilang guests?!
How about local players, irereport ba ng mga casino kung sino-sino ‘yang mga naglalaro nang mahigit sa P5 milyon?!
Aabangan natin ang Implementing Rules and Regulation (IRR) ng bagong batas na RA 10927 na sana’y walang pipiliin at katatakutan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com