TUWIRANG inihayag ni House deputy speaker, representative Fredenil Castro ng Capiz ang kanyang suporta sa Martial Law extension na hinihiling ni Pangulong Duterte na naglalayong palawigin nang mahigit limang buwan sa Mindanao.
Ayon kay Castro, ang martial kaw ay hindi ‘one shot affair’ na pagkatapos maideklara at hindi pa lubos na napagtatagumpayan ang agenda ay puputulin na ang proseso.
“Kailangan ituloy ang martial law, sapagkat this is a continuity effort or a continuing process until finally achieved its purpose, kaya ‘yan po ang aking paninindigan,” ani Castro.
Gusto umanong maging consistent ni Castro, kung ito ang kinakailangan ng bayan ay nararapat na ituloy at palawigin ang batas militar depende sa tagal.
Matatandaan, ang 60-araw deklarasyon ng martial law ay nakatakdang mapaso sa Sabado, 22 Hulyo 2017 ngunit nitong Lunes hiniling ng Pangulo sa Senado at sa Kamara na palawigin ang martial law.
Ayon kay Castro, wala siyang pagkatakot sa maaaring mangyari, matapos ang extension ay another extension ulit sapagkat hindi ito katulad ng batas military sa ilalim ni Marcos na tanging ang Pangulo lang ang nagdedesisyon kung gaano katagal ang pagpapatupad.
Ngunit ngayon, sa ilalim ng Konstitusyon, ang senado at mababang kapulungan ang magdedesisyon kung ito ay itutuloy o hindi.
Ganoon pa man, dagdag ni Castro “Ang kapangyarihan ng pangulo na magdeklara ng martial law ay kapangyarihang ibinibigay ng Saligang Batas sa pangulo lamang, walang sinasabi ang ating saligang batas na kailangan konsultahin ang klongreso, bago ang deklarasyon.”
Sa pahayag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, sinabi ng pangulo sa kanyang liham na ipinadala sa kongreso, ang ‘existing rebellion’ sa Mindanao ay hindi matatapos hanggang 22 Hulyo at kanyang isinasaalang-alang ang public security kaya kailangan palawigin ang Martial law.
Ani Castro, “Walang sinabi ang pangulo na siya ay humihingi ng extension up to the end of the year kundi ang sabi ng Pangulo, sa paningin ko ay kinakailangan at masusugpo natin ang rebelyon hanggang sa katapusan ng taong ito.”
Animo’y setting post-deadline para sa pangulo dahil hindi nasunod ang mga araw na itinakda at maaaring by the end of the year o bago matapos ang taon ay magiging maayos ang lahat.
Taliwas sa pahayag ni Abella, nagbigay ng petsa ng extension si Pangulong Duterte hanggang 31 Disyembre 2017.
(ALEXIS ALATIIT)