Sa lahat ng mga naging presidente, si Tatay Digong (Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte) lang ang nakapagsabi at nakapag-utos sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na huwag ilagay ang kanyang retrato.
Ayon pa sa Pangulo, retrato ng mga tunay na bayani ang dapat ilagay.
Tumpak na tumpak po ‘yan, Mr. President!
Makikita mo kasi ang retrato ng commissioner, secretary at ng Pangulo sa isang opisina ng ahensiya ng gobyerno.
Akala mo nga ‘altar’ na sa dami ng retrato?!
Pero hindi nahihiyang magnakaw kahit sandamakmak ang mga retrato na nakasabit sa opisina n’ya!
Sabi nga ng Pangulo, marami sa mga inilalagay nilang retrato nasangkot na sa korupsiyon pero inilaladlad pa.
Iba naman sa ibang bansa. Gaya sa Taiwan, ang makikitang larawan sa mga paaralan at government agencies ay si Chang Kai Shek o si Sun Yat Sen.
Sa Thailand naman, ang kanilang Hari ang makikitang larawan sa mga institusyon ng pamahalaan.
At sa Cuba nga, mismong si Fidel Castro ay nagbilin na huwag gamitin ang kanyang pangalan sa alinmang institusyon o sa mga kalye bilang memorial.
Kadalasan ay retrato ng kanilang national hero ang makikita sa iba’t ibang bansa.
Ganyan sila karangal.
Hindi gaya rito sa ating bansa na ultimo pusa o tuta ng isang politiko, ipinapangalan sa kalye, sa eskinita, sa plaza na nilalagyan pa ng rebulto.
Bakit hindi ninyo ipangalan sa mga baradong pusali ‘yang mga pangalan ninyo?!
O kaya lahat ng tambakan ng basura, palitan ng mga pangalan ng mga politiko?!
O ‘di ba?!
Ngayong Pangulo na mismo ng bansa ang nag-uutos na huwag ilagay ang kanyang larawan, magsisunuran naman kaya ang mga politikong balak gawan ng kulto ang kanilang angkan?!
Abangan natin mga suki kung sino ang mga politikong pulpol na magtatanggal ng mga nakakalat o nagkakalat nilang mga karakas sa kanilang mga lugar at iba’t ibang ahensiya ng lokal na pamahalaan.
TITAN
AT MS UNIVERSAL
CLUB UNTOUCHABLE
SA PASAY CITY
SIR, tanong lang ho sa PNP Pasay at Mayor’s office. Bakit open ang prostitution sa Ms. Universal club at Titan club? Magaling ba silang maghatag ng tara?
+639187291 – – – –
MAY NAG-POSITIVE
SA DRUG TEST SA APD?
GOOD am sir, may mga nag-positive sa drug test sa amin sa airport police department pero naka-deploy pa sa mga terminal. Walang ikinaso ang legal ofc sa mga ungas. Dapat paimbestigahan ng mga positibo sa droga. Salamat po.
+63916833 – – – –