MASASAKSIHAN ng buong mundo ang kompleto at kargadong Gilas Pilipinas sa paparating na FIBA Asia Cup.
Ito ay matapos pumayag nang tuluyan si Commissioner Chito Narvas at ang Philippine Basketball Association sa pagpapahiram ng mga manlalaro sa pambansang koponan na Gilas Pilipinas para solidong makasagupa sa mga karibal sa Asya.
Inianunsiyo ng PBA kahapon ang magandang balita ng kanilang buong suporta sa Pambansang Koponan, makapagpapadala ng pinakamalakas na koponan ang bansa na makikipagbakbakan sa prestihiyosong FIBA Asia Cup sa Beirut, Lebanon sa 8-20 Agosto.
Nauna nang nagpadala sa FIBA si Coach Chot Reyes ng 24-man national pool nito kahit walang kasiguradohan kung papayagan ng mga koponan sa PBA na pinanggalingan ng 19 manlalaro ng Gilas.
Pangungunahan nina 3-time PBA MVP June Mar Fajardo at 2-time Best Point Guard in Asia ang pool ng Gilas kasama ang ibang pinakamagagaling na manlalaro sa PBA na sina Terrence Romeo, Japeth Aguilar, Calvin Abueva, Troy Rosario, Raymond Almazan, Allein Maliksi, Norbert Torres, Baser Amer, Kevin Alas at balik-Gilas na si Gabe Norwood.
Kabilang ang PBA cadets at rookies ngayon sa PBA na sina Jio Jalalon, Matthew Wright, RR Pogoy, Mac Belo, Mike Tolomia, Carl Bryan Cruz at Kevin Ferrer.
Babak-apan sila ng ikalawang henerasyon na manlalaro na sina Rayray Parks Jr., Kiefer Ravena at Kobe Paras gayondin ang Filipino-German sensation na si Christian Standhardinger at naturalized Filipino na si Andray Blatche.
Ayon sa kasunduan ng PBA at ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, ipapahiram sa Gilas ang rookies na kadete na ngayon, 30 araw bago ang torneo habang 15 araw bago naman sa mga beterano sa PBA.
Bukod sa pagpapahiram ng mga manlalaro, aatras ang simula ng 2017-2018 PBA Season sa Disyembre upang magbigay-daan sa FIBA World Cup Asian Qualifiers na magsisimula sa Nobyembre at magtatagal nang dalawang taon.
ni John Bryan Ulanday