ITINIGIL ng transport group ang pagpasada sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong Lunes, kasabay nang paghikayat kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang planong phase-out sa jeepney.
Tinatayang 2,000 driver na miyembro ng No to Jeepney Phaseout Coalition ang nag-rally sa Quezon City Circle kahapon ng umaga, ayon sa convenor na si George San Mateo.
“Gusto namin dumulog diretso kay Pangulong Duterte. Kasi siya na lang ang puwedeng makaresolba sa problemang ito,” pahayag ni San Mateo.
Ayon kay San Mateo, maaaring tumaas ang pasahe bilang resulta sa ipapalit na modernong fuel efficient jeeps, aniya ay nagkakahalaga ng P1.6 milyon bawat isa.
Nauna rito, inilinaw ng transportation officials, hindi nila ipi-phaseout ang lumang jeepney, kundi ipakikilala lamang ang moderno at environment-friendly units.
Inaprubahan ng gob-yerno ang P2.26-bilyon subsidy para sa jeepney operators at drivers para sa equity ng 28 bagong units sa ilalim ng moder-nization program.
Samantala, nagkaroon ng pagkilos ang ibang grupo sa Welcome Rotonda, bago sila tumuloy sa Mendiola, malapit sa Malacañang.
Nagkaroon ng protesta sa Cagayan Valley at Southern Luzon regions, at sa mga lalawigan ng Davao at Cebu.
Banta ng transport group, maglulunsad sila nang mas malaking rally kapag hindi pinansin sa State of the Nation Address ng Pangulo sa 24 Hulyo, ang isinagawa nilang protest caravan nitong Lunes.