MAGLULUNSAD ng mga pag-atake ang mga rebeldeng komunista bago ang gaganaping pangalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na linggo, ayon sa ulat ng Philippine National Police kahapon.
“Mayroon kaming na-monitor doon sa kabila, sa kaliwa, sa NPA (New People’s Army) that they will make some pre-SONA attacks, harassment sa Davao,” pahayag ni PNP chief, Director General Ronaldo “Bato” dela Rosa sa mga mamamahayag sa Camp Crame.
“Na-uncover iyan, guguluhin nila iyung Davao before SONA. We are preparing for that.”
Gayonman, inilinaw ni Dela Rosa, wala pang namo-monitor ang intelligence units na ano mang specific terror threat laban sa July 24 SONA.
Nauna rito, sinabi ni House Sergeant-at-Arms Roland Detabali, hindi binabalewala ng mga awtoridad ang posibilidad na maglunsad ng mga pag-atake ang drug syndicates sa nasabing malaking okasyon.
Tinatayang 6,000 pulis mula sa Quezon City Police District ang idi-deploy sa protest areas sa Batasan Pambansa Complex, lugar na pagdarausan ng SONA ni Duterte.
Ipatutupad ang heightened security sa legislative complex sa 24 Hulyo.
Tanging 1,500 bisita ang pahihintulutang manood sa pagtalumpati ni Duterte sa plenary hall, dagdag ni House Secretary General Cesar Pareja.