PLANO ni Senador Richard Gordon na hilingin ang muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado kaugnay sa Mamasapano incident kasunod ng rekomendasyon ng Office of the Ombudsma na
paghahain ng kasong graft at usurpration of authority kay dating Pa-ngulong Benigno Aquino III.
“Pero ako gusto kong buksan iyang Mamasapano case… Talagang may balak ako,” pahayag ni Gordon nang itanong kung nais niyang muling buksan ang Mamasapano incident, na 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) ang napatay sa operasyon laban kay terrorist Zulkifli bin Hir alyas Marwan noong Enero 2015.
Ayon sa senador, ang pagdinig ay maaari pang muling buksan dahil hindi pa ito ganap na naisasara ng Senate committee on public order and dangerous drugs, noon ay pinamumunuan ni Sen. Grace Poe at nga-yon ay si Sen. Panfilo Lacson ang chairman.
“Bakit ba ‘pag malalaking tao na ang involved ay nag-aagam-agam na ilabas ang katotohanan,” aniya.
Magugunitang inirekomenda ng Office of the Ombudsman ang paghahain ng kasong graft at usurpation of authority laban kay Aquino at kay dating SAF director Getulio Napeñas.
Naniniwala si Gordon, mahina ang inirekomendang mga kaso ng Ombudsman laban sa dating pangulo.
“I woud have filed graver charges, multiple homicide through reckless imprudence,” aniya, na sumusuporta sa kasong isinampa ng Volunteers Against Crime and Corrution (VACC) laban kay Aquino.
Aniya, kapag muling binuksan ng Senado ang pagdinig sa Mamasapano, maaaring ipatawag ang presensiya ng dating pangulo.
“Nobody will be exempted from this… He has to man up and face the consequences,” dagdag ni Gordon.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Senador Franklin Drilon, hindi kailangan ang pagbubukas muli ng pagdinig sa Mamasapano.
“Ano pa ba ang ating gagawin para buksan natin ulit. For what, in aid of legislation? Siguro naman sapat na ang nailabas sa dalawang pagdinig ng nakaraang Kongreso. Tutol po ako riyan at tingin ko ay hindi po kailangan,” pahayag ni Drilon. Sa inilabas na report ng public order committee kaugnay sa Mamasapano hearing, napatunayan na si Aquino ay “ultimately responsible” sa nasabing maramihang pagpaslang.
Nitong Enero 2016, muling binuksan ang Mamasapano case sa mosyon ni dating Senador Juan Ponce Enrile.