HINDI lang mabilis na pagpapatayo ng mga kapilya bilang bahagi ng pagpapalawak sa Estados Unidos, binibigyan din ng panibagong buhay ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang mga luma at abandonadong mga bayan sa Amerika.
Inianunsiyo ito ng INC General Auditor na si Bro. Glicerio B. Santos Jr., kamakailan sa pahayag na “ibabangon, isasaayos at pasisiglahin ang lumang bayan ng Johnsonville, Connecticut” matapos bilhin ang nabanggit na bayang itinayo dalawang siglo na ang nakaraan. Ang unang bayan sa Estados Unidos na nabili ng INC ay bayan ng Scenic sa South Dakota.
“Tatlo na ang aming kongregasyon sa Connecticut at kami ay naniniwala na ang panunumbalik ng Johnsonville sa dati nitong kalagayan ay bahagi ng aming responsibilidad bilang positibong kaambag ng naturang Estado,” ayon kay Santos.
Ang Johnsonville ay may lawak na 62 acres na kinatitirikan ng isang simbahan, isang bahay-pulungan, tindahan, maliit na lawa at isang natatakpang tulay. Ayon kay Santos, sa kasalukuyang kalagayan nito, ang bayan ay “picture perfect” ngunit pagsusumikapan ng INC na ibalik ang dati nitong anyo nang ito ay unang maitatag sa kalagitnaan ng 1800s.
“Ang Johnsonville ay parang frozen in time, ‘ika nga. Maganda at kaakit-akit, kaya ang tangi naming pagtutuunan ay pagpapanumbalik ng sigla at pagbangon nito. Dito rin namin itatatahan ang unang eco-farming site namin sa Estados Unidos upang makapagbigay ng trabaho at hanapbuhay.”
Mahigit isang siglo matapos maitatag ang Iglesia Ni Cristo noong 1914, umusbong sa maraming bahagi ng mundo sa ilalim ng pangangasiwa ni Executive Minister Ka Eduardo Manalo ang relihiyong itinatag dito sa Filipinas. Mula nang manungkulan noong Setyembre 2009, umabot na sa 79 bagong kapilya sa ibayong dagat ang na-ihandog sa Australia, New Zealand, South Africa, Canada, Denmark, Germany, Greece, Malaysia, Netherlands, Japan, South Korea, Spain, Uni-ted Kingdom, at sa Estados Unidos. Sa Amerika lamang, 45 bagong bahay kapilya ang inihandog sa ilalim ng pangangasiwa ni Ka Eduardo.
Ayon kay Santos, makikita sa mga proyektong ito ang pagnanais ng Iglesia na iangat ang kalagayan ng mga komunidad sa buong mundo, “espi-ritwal man o pisikal, sa wangis man o katuturan.”
“Lahat ito’y kabahagi sa misyon ng INC sa pagpapalawak ng pa-mamahayag. Ang nais nami’y higit na mas maraming buhay ang maabot at mapag-ibayo. Ito ay pagpapalawak sa paraan ng pamamaha-yag, at pagsasakatuparan ng aming misyon sa pamamagitan ng isang mas malaki at mas maa-yos na Iglesia, na nagli-lingkod sa pangangaila-ngan ng mga komunidad sa aming paligid, kapanalig man namin o hindi.”