DAAN-DAAN katao mula sa iba’t ibang sektor ang lumahok sa Metro Shake Drill ng Metro Manila Development Authority (MMDA), nitong Biyernes ng hapon.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, isinagawa ang earthquake drill upang ihanda ang publiko sa worst-case scenarios at upang mabatid kung gaano katagal bago makapagresponde ang lahat ng units sa kabila ng traffic at rush hour.
Isinagawa ng mga empleyado ng gobyerno ang “duck, cover and hold” makaraan marinig ang alarma, hudyat nang pagsisi-mula ng drill.
May takip na libro sa kanilang ulo, pinalahok din ang mga bata sa drill upang mabatid nila ang kahalagahan ng nasabing paghahanda para sa kaligtasan.
Bago ang pagsisimula ng drill, ang mga kalahok sa buong Metro Manila ay ini-orient ng MMDA personnel.
Para sa emergency purposes, nag-set-up ang MMDA ng communication centers at mga sasakyang may kargang mga gamot.
Ang Metro Shake Drill ay bilang paghahada sa posibleng paggalaw ng West Valley Fault, na ayon sa prediksiyon ng Japan International Cooperation Agency noong 2004, ay magreresulta sa 7.2 earthquake na tinaguriang “The Big One” sa Metro Manila.
Ito ay sinasabing posibleng humantong sa 35,000 patay, 115,000 su-gatan, at 170,000 wasak na mga estruktura.