SA wakas, nahanap na ni AJ Muhlach ang gusto niyang mangyari sa career niya, ang maging action star.
“Dati po kasi, hindi ko alam kung ano ang dapat i-market sa akin, kung dancer, matinee idol ba, o singer. Ngayon po, sure na ako na action talaga ang gusto ko sa career ko,” pag-amin ng aktor noong masolo namin siya pagkatapos ng presscon ng launching movie niyang Double Barrel mula sa Viva Films na idinirehe ni Toto Natividad.
Hindi inaasahan ni AJ na magiging bida siya sa pelikula, ”wala po kasing binanggit si boss Vic (del Rosario) noong pinapunta niya ako sa office niya, sabi lang niya, may ipakikilala sa akin.
“Tapos po, pumasok kami sa isang kuwarto, ipinakilala sa akin si direk Toto Natividad at sabi, ako na lang ang kunin. Hindi pa muna sumagot si direk Toto, sabi niya, pag-iisipan pa niya. Tapos nabanggit nga po na ‘Double Barrel’ ‘yung movie, pero hindi binanggit kung anong papel ko.
“Hanggang sa muli kaming nagkita ni direk Toto po, tapos sabi nga niya, ako na ‘yung sa Double Barrel,” detalyadong kuwento ni AJ.
MARTIAL ARTS,
PAGHAHANDA
SA PAG-AAKSIYON
Bago pala ialok kay AJ ang pelikula ay nag-aaral na siya ng martial arts na hindi naman niya alam na paghahanda na pala ito sa bago niyang imahe bilang action star.
“Nagti-train po ako ng Filipino Martial Arts dati before pa ako mag-action, three years ago po at two years straight po akong nag-training Pekiti Tirsia Kali po name niyong martial arts, combat arts siya actually na itinuturo sa mga sundalo sa atin.
“’Yung balangay po namin actually sa Camp Karingal (Sikatuna, Quezon City), so two years po akong nag-train kaya sa pagpasok ko sa ‘Double Barrel’, nabanggit ko naman po kay direk Toto na may background (martial arts) po ako and then on the set na lang po ‘yung additional pag-aaral ko ng action scenes at saka nandoon naman po si tatay Val Iglesia (stunt director) para turuan ako,” pahayag ng aktor.
Sabi pa ni AJ noong isinu-shoot nila ang pelikula ay kabado siya dahil baka hindi siya magustuhan ni direk Toto bilang baguhang action star.
“Baka po kasi hindi ako pasado as an action star o maganda ang kalalabasan sa screen, pero habang ginagawa po namin thru the guidance of direk Toto, mas naging komportable po ako,”napangiting sabi ni AJ.
Wanted na pusher ang papel ng aktor at sa Navotas, Caloocan, at Smokey Mountain ang karamihang venue ng shooting nila.
Sa walong taon ni AJ sa showbiz na unang nakilala bilang miyembro ng boy band na XLR8 at naging bida sa Bagets at PS I Love You sa TV5 ay aminadong nababagalan siya, pero hindi naman siya nawawalan ng project dahil may mga ibinibigay naman sa kanya ang Viva na karamihan ay sa Sari-Sari channel sa Cignal TV, ABS-CBN Tasya Fantasya at Be Careful with my Heart (cameo role) at huli niyang project ay ang Darkroom movie.
“Ang wala po ako ay teleseryeng regular, wala pong nag-aalok pa,” sambit ng binata. ”Baka po kasi hindi rin alam kung paano ako ima-market? Ako rin po rati, confused din ako kung ano bagay sa akin.”
PAG-AARAL
O CAREER
Nagkuwento rin si AJ na gusto niyang mag-aral, pero pinayuhan siya ng daddy Cheng Muhlach niya.
“Gusto kong mag-aral pero sabi ng dad (Cheng Muhlach), ‘may trabaho ka na, bakit mag-aaral ka pa? Kaya nga nag-aaral para magkatrabaho, ‘di ba?’ So, tama naman po, sabi pa ng tatay ko na puwede naman akong mag-aral, mag-ipon muna ako.
“Tapos po, pumasok ako sa dancing, nagkaroon naman talaga ako ng passion sa dancing, nag-compete naman po kami sa ibang bansa, roon ako na-distruct ng ilang months, tapos nag-gym, magwork out.
“Tumuntong naman po ako ng college, pero hindi ko po natapos kasi papalit-palit ako ng kurso, naka-tatlong course po ako.
“Una, Applied Physics sa UST, mahilig po ako sa math, ‘yun po talaga ang forte ko, tapos nag-artista na po, so nag-fail due to absences lahat.
“Tapos, nag Culinary po ako, okay naman po mas flexible ang oras, pero tumataba ako kasi kami rin po ang kumakain ng niluluto namin, tapos 3rd po, nag-conservatory of music naman ako sa UST, after niyon hindi ko kayang pumasok lagi at nahiya ako sa prof ko, kaya huminto na ako,” pahayag ng aktor.
OKEY LANG MASILIPAN
SA LOVESCENE
Samantala, sa lovescene nina AJ at Phoebe Walker ay walang malisya ang aktor dahil ang iniisip niya habang ginagawa nila ang eksena ay kung paano tatakpan ang aktres.
“Ang iniisip ko lang po all throughout the lovescene is ‘yung protektahan ko si Phoebe kasi babae po, ‘yung katawan niya baka masilipan kasi may ibang tao sa set,” saad ng binata.
Sa madaling salita na okay lang sa aktor na masilipan siya, ”ay wala na po akong pakialam sa katawan ko, sayang naman kung hindi ko ipakita, ha, ha, ha.”
Parehong naka-plaster lang sina AJ at Phoebe sa love scene nila, ”may napkin po muna at saka nilagyan ng plaster po kaya talagang kailangang alagaan si Phoebe.”
Papasa ba ito sa MTRCB? ”Hindi naman po ipinakita all the way, maganda naman po ‘yung pagkakagawa ni direk Toto Natividad po. At saka iyon po kasi ang opening scene sa movie para pampataas kaagad ng energy,” pag-amin ni aktor.
Papasa nga bang action star si AJ sa Double Barrel? Malalaman ito sa Agosto 2 mula sa Viva Films kasama sina Jeric Raval, Ali Khatibi, at Phoebe mula sa direksyon ni Toto Natividad.
FACT SHEET – Reggee Bonoan