PATAY ang sundalo at 11 iba pa ang sugatan nang pumalya ang isinagawang air strike sa Marawi, nitong tanghali ng Miyerkoles.
Ayon kay Col. Edgard Arevalo, hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office, kinapos ng mahigit 250 metro mula sa target ang pinakawalang bomba.
Dahil dito, nawasak ang mga kalapit na estruktura at tinamaan ng debris at shrapnel ang mga sundalo.
Dalawa sa kanila ang namatay, habang 11 ang tinamaan ng shrapnel.
“The impact of the explosion caused the collapse of nearby structures. Large debris from heavily reinforced buildings accidentally hit two of our personnel who succumbed to death in the process,” ayon kay Arevalo.
Nangako ang AFP na sisiyasating mabuti ang insidente.
Ito ang ikalawang sablay na air strike ng militar sa Marawi City.
Ang una ay noong 31 Mayo, na 11 sundalo ang tinamaan at namatay.
Gayonman, itutuloy pa rin ng militar ang pagsasagawa ng mga air strike sa kabila ng mga insidenteng ito.
“We are going to continue our air strikes because those are meant to dislodge the terrorists that are concentrated in the area,” ani Arevalo.
Hindi pa binabanggit ng military ang klase ng air craft na sangkot sa insidenteng ito.
Bahagi ng pagsugpo sa mga lokal na tero-ristang grupo sa Marawi City ang mga isinasagawang air strike ng militar sa lungsod.