IPINA-BLACKLIST ng Department of Agriculture (DA) ang 43 importer ng bawang dahil sa kabiguan mag-angkat ng bawang kahit kulang ang suplay sa bansa, at kahit umabot sa P200-P250 ang presyo ng bawat kilo sa lokal na merkado.
Binigyan ng permit ang mga trader na mag-import ng 70,000 metric tons ng bawang ngunit umabot lang sa 19,000 metric tons ang naangkat ng mga importer mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol, ang mataas na presyo ng bawang sa ibang bansa gaya sa China ang isa sa mga dahilan nang hindi pag-aangkat ng mga importer.
“Kung talagang seryoso kang importer at alam mo ang responsibilidad mo — hindi ka fair-weather friend,” ani Piñol.
“Dapat consistent ka, manipis man ang tubo mo o makapal man ang tubo mo, dahil alam mo na importation is vital to stabilizing the supply of the commodity in the market and ensure that the price stabilizes, may responsibilidad ka.”
Dahil dito, nagbukas ulit ang DA sa importer na gustong mag-apply ng importation permit para makaangkat ng bawang.
Habang sinabi ni Sen. Cynthia Villar, chairperson ng Senado sa agriculture and food committee, sinadya ng mga negosyante ang hindi pag-import para mabigyang katuwiran ang pagtaas ng presyo ng bawang.
Samantala, ire-review ng DA ang permits ng 111 iba pang importer, ani Piñol.