INARESTO ng mga barangay tanod sa kanto ng M. delos Santos at Elcano streets sa Binondo, Maynila ang isang 21-anyos helper nang manutok ng baril sa isa pang helper sa hangaring makaganti sa pambubugbog na kanyang naranasan sa mismong lugar na nabanggit, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Christian Ibañez, residente sa Road 10, Vitas, Tondo, Maynila at ang biktima na si Rommel Rivas, 23-anyos, may asawa, helper, residente sa Juan De Dios, Moriones St., Binondo.
Sa salaysay ng biktima sa mga imbestigador ng Meisic Police Station (PS-11), dakong 9:00 pm habang nagtutulak siya ng kariton sa kanto ng M. Dela Santos at Elcano streets bigla siyang hinarang ng suspek na si Ibañez.
Kasunod nito, tinutukan ni Ibañez ng baril si Rivas nang walang dahilan.
Nasaksihan ng mga barangay tanod na sina Richard Burgos at Pascual Dalde ang pangyayari kaya agad ding nagres-ponde at inaresto si Ibañez.
Sa imbestigasyon, ina-min ni Ibañez na nais niyang makaganti sa mga tambay na nambugbog sa kanya sa mismong lugar kaya bumalik siya at nagdala ng baril.
Saktong dumaan ang biktimang si Rivas sa nasabing lugar na siyang napag-initan ni Ibañez.
Naniniwala ang suspek na ang mga nakasaksi sa panunutok niya ng baril kay Rivas ang mga nambugbog sa kanya.
Nasamsam mula sa suspek ang isang kalibre .38 revolver at tatlong bala na isinuko sa MPD Crime Laboratory Office para sa eksaminasyon at disposisyon.
Nahaharap si Ibañez sa mga kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) at Pagbabanta (Threat). (RONALINE AVECILLA)