NANGANGANIB mabaklas sa kanyang puwesto si Bise Presidente Leni Robredo ngayong dinidinig na ng Presidential Electoral Tribunal ang protesta laban sa kanya ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Isang 81-pahinang preliminary conference brief na isinumite ng legal team ni Bongbong sa Korte Suprema, umuupong PET, ang magpapatunay na hindi si Robredo ang totoong nanalo sa 2016 vice presidential contest.
Ginawa ng mga abogado ng dating senador ang pahayag sa pagsisimula kahapon ng matagal nang inaabangang session para sa preliminary conference sa election protest ni Marcos laban kay Robredo.
May kabuuang 362 testigo ang nakatala sa preliminary conference brief na maaaring ipatawag upang humarap at magsumite ng mga supporting evidence laban sa dayaan noong nakaraang halalan.
Ilan rito ay kinabibilangan ng mga opisyal ng Commission on Elections, sa pangunguna nina Commissioner Christian Robert Lim, Directors Jose Tolentino, Esther Roxas, J. Thaddeus Fernan, Teopisto Elnas at Ferdinand De Leon; Smartmatic exe-cutives Marlon Ramos at Elie Moreno, election offi-cers sa 33 kinukuwesti-yong lalawigan at lungsod, gayondin ang election at Information Technology experts.
Sa kanyang protesta ay muling ipinabibilang ni Marcos ang mga boto para sa bise presidente sa 36,465 clustered precincts sa mahigit 30 lalawigan at lungsod sa buong bansa dahil sa umano’y dayaan, kabilang ang depektibong Automated Election System, failure of elections sa ilang lalawigan sa Min-danao at hindi awtorisadong paglalagay ng Smartmatic ng bagong hash code o bagong script/ program sa Transparency Server sa araw ng eleksiyon.
Ipinadedeklara rin niyang ‘null and void’ ang mga boto para sa parehong posisyon sa mga lalawigan ng Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur dahil sa umano’y laganap na dayaan.
Kinuwestiyon din ang maraming pleadings na inihain ni Robredo na maliwanag umanong dilatory tactics.
Ayon sa mga abogado ni Marcos, mahabang panahon na ang isang taong paghihintay para lumabas ang katotoha-nan kung ano ang tunay na nangyari sa mga boto sa bise presidente noong nakaraang eleksiyon.
Umabot nang halos isang taon bago itinakda ng Korte Suprema ang conference makaraang atasan sina Marcos at Robredo na magbayad ng cash deposits na P66.02 milyon at P15.44 milyon, ayon sa pagkakasunod, para sa kani-kanilang protesta at counter-protest.
Naunang itinakda ang preliminary confe-rence nitong 21 Hunyo ngunit ipinagpaliban ito ng PET nitong 11 Hulyo.
Nakapaloob sa 81-pahinang preliminary conference brief ang Admissions, Proposals for Stipulation, Issues to be Resolved, List of Witnesses and Documents bilang suporta sa protesta, na pawang makatutulong sa Tribunal para mapabilis ang pagsasagawa ng proceedings.
Sinabi ni Atty. George Garcia, abogado ni Marcos, tinalakay sa pagsisimula ng preliminary conference ang pamamaraan ng muling pagbibilang ng mga boto para sa bise presidente na iniha-handa ng PET ang manual recount at judicial revision. Ipinakita na rin, aniya, ang SC gymna-sium, ang panukalang pagdarausan ng recount.
BALANSE SA PET
BINAYARAN NA
NI BONGBONG
Nabayaran na ni Marcos ang huling bahagi ng bond para sa kanyang election protest laban kay Robredo.
Ayon sa abogadong si Garcia, nagdeposito ng P30 milyon sa dalawang manager’s checks sa Cash Collection and Disbursement Division ng Supreme Court. Naunang nagbayad ang dating senador ng P36,023,000 noong 17 Abril.
Ibinunyag ni Garcia na nag-ambag-ambag si Marcos at ang mga taong malapit sa kanya para malikom ang naturang halaga na gagamitin sa pagbawi ng ballot boxes at iba pang dokumento sa poll precincts sa buong bansa.
HATAW News Team