DALAWA ang patay kasunod ng magnitude 6.5 earthquake na tumama sa isla ng Leyte nitong Huwebes ng hapon.
Isa sa mga biktima ang iniulat sa Kananga, Leyte, ayon kay Mayor Rowena Codilla.
“Ngayon nagre-rescue na sila, may na-retrieve na kami na isang dead saka isang wounded. I don’t know the age pero ‘yung namatay is lalaki, tapos ‘yung wounded is babae,” ayon kay Codilla.
“Actually wala pa talaga akong exact na count (ng casualties), naghihintay din kasi kami ng rescue from the province kasi kailangan namin ng mga equipment,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Ormoc City Mayor Richard Gomez, mayroon nang isang kompirmadong namatay sa kanilang lungsod.
“Here in Ormoc, there’s one casualty confirmed but total number of patients have [gone up] to 40, most of them trauma patients,” pahayag ni Leyte Rep. Lucy-Torres Gomez.
Kinompirma ng Office of Civil Defense sa Region 8 ang pagkamatay ng isang biktima sa Ormoc.
Hanggang 6:00 pm kahapon, 26 pasyente mula sa kalapit na mga munisipalidad ang dinala sa Ormoc City para lapatan ng lunas, ayon kay Mayor Richard Gomez.
“May report sa amin sa isang lugar na naputol [ang] paa kasi nabagsakan ng building… [May] bumagsak sa kabilang town pero dito kasi dinadala sa Ormoc,” aniya.
Umabot sa 13 pasyente ang nilalapatan ng lunas sa Ormoc command post bunsod ng “shock.”
Sinabi ni Gomez, nagpadala na siya ng team para tulungan ang mga na-trap sa gumuhong gusali sa bayan ng Kananga.