TINANGGIHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang alok na backchannel talks ng Maute terrorist group, ayon sa Palasyo.
Sa press briefing kahapon sa Palasyo, kinompirma ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ang ina ng Maute brothers na si Farhana Romato Maute, ang nag-alok ng backchannel talks sa Pangulo, taliwas sa inihayag ni Agakhan Sharief, isang prominent Muslim leader, na isang senior Duterte aide ang lumapit sa kanya para kausapin ang mga Maute.
“Sila [Maute] ang nag-o-offer na makipag-backchannel. Hindi siya (Duterte). Tinanggihan niya iyon. Kung tinatanong n’yo kung nag-initiate siya, as far as I know, wala akong alam na verifiable,” wika ni Abella.
Si Farhana ay isa sa mga inarestong personalidad na may kaugnayan sa Maute /ISIS terror group alinsunod sa inilabas na arrest order ni Defense Secretary at martial law administrator Delfin Lorenzana.
Sa kanyang talumpati noong 31 Mayo, binigyan-diin ni Duterte, hindi siya kailanman makikipag-usap sa mga terorista.
Ipinangako ng Pangulo na hindi niya aalisin ang martial law hangga’t hindi namamatay ang kahuli-huling terorista sa Marawi City.
(ROSE NOVENARIO)