MARTES ng gabi ginanap ang pagpapakilala sa bubuo ng first directorial job at kalahok sa Metro Manila Film Festival ng CCM Creative Productions, Inc., angCarlo Caparas’ Ang Panday ni Coco Martin na ginanap sa Fernwood Gardens, Quezon City.
Kitang-kita ang excitement at pagiging hands-on ni Martin sa kanyang pelikula na siya mismo ang nagpakilala sa mga makakasama niya.
Susuportahan si Martin ng mga batikang actor sa pangunguna nina Eddie Garcia, Jaime Fabregas, Jonee Gamboa, at si Ms. Gloria Romero.
Ayon kay Martin, dream come true na makasama niya si Romero na gaganap na nanay-nanayan niya sa Ang Panday.
Makakasama rin ni Coco ang walong child superstars na nakasama niya sa FPJ’s Ang Probinsyano. Ito’y sina Awra Briguela, Onyok Pineda, Shantel Ligaya, Dang, James Paquito, Enzo Bingo, Heart, at Ricky Boy.
Magbibigay-suporta rin sa kanya sina Albert Martinez, Jake Cuenca, Michael de Mesa, John Prats, Julio Diaz, Xymon, PJ, Neil Coleta, Chris Gutierrez, Lester Lansang, John Medina, Michael Roy, at Mark Solis.
Kasama rin ang kapatid ni Martin na si Ron Martin gayundin ang isa sa tinitilian at paboritong loveteam, ang McLisse (McCoy at Elisse Joson).
Ang anak nina Christopher de Leon at Sandy Andolong naman ang magiging leading lady ni Coco, ang Miss International Philippines na si Mariel De Leon.
Napag-alaman naming kasama rin sa bibida sa Ang Panday si Agot Isidro na hindi nakarating sa ginawang story conference.
Napag-alaman pa naming unang buhos pa lamang ng mga artistang bibida sa Ang Panday ang naganap na pagpapakilala noong Martes dahil posiblleng madagdagan pa ang mga ito.
MARIEL DE LEON,
LEADING LADY NI COCO
KITANG-KITA ang saya at abot tengang ngiti ni Coco Martin nang ipakilala ang kanyang bagong leading lady, si Mariel de Leon.
Si Mariel ay anak nina Christopher de Leon at Sandy Andolong at siya rin ang itinanghal na Binibining Pilipinas International.
Ayon kay Mariel, hindi niya natanggihan ang offer kaya ang sinabi niya rati na hindi siya mag-aartista ay hindi niya napanindigan.
“Siguro kasi, he’s genuine, nice person,” anang dalaga nang tanungin kung ano ang first impression niya sa actor. ”I can’t wait to work with him.”
Pero sa totoo lang, ayon kay Mariel, hindi pa naa-absorb ng kanyang utak na siya nga ang leading lady ni Coco. ”But, I feel so lucky and so blessed. It’s so unbelievable talaga,” nangingiting tugon ng dalaga.
Bale noong Martes lamang ng gabi unang nagkita sina Mariel at Coco kaya wala pa siyang masabi ukol sa actor. Pero napapanood naman niya si Coco sa Ang Probinsyano.
At dahil mag-uumpisa na ang shooting ng Ang Panday, naikuwento ni Mariel na gusto pa niyang araling mabuti ang karakter na gagampanan niya para mas maipakita niyag mabuti ang tamang acting niyon.
“And I will ask my parents for more advice on what I can do (with the character she’s portraying). And maybe I’ll take workshops na rin and work on my Tagalog,”sambit pa nito.
Ukol naman sa kung payag siya sa kissing scenes, sinabi ni Mariel na okey lang iyon sa kanya, pero ‘yung sobra pa roon ay hindi na puwede.
At dahil sa pagtanggap ni Mariel sa Ang Panday, posibleng dumagsa pa ang ibang offers. Aniya, open naman siya sakaling may mga dumating pang ibang trabaho.
COCO, EXCITED
KAY MARIEL
HINDI naitago ni Coco Martin ang excitement nang ipakilala ang kanyang magiging leading lady sa Ang Panday, si Mariel de Leon.
Ayon kay Coco, nang makita niya ang dalaga habang nanonood ng TV, doon niya napagtanto na si Mariel ang gusto niyang maging leading lady sa kanyang first directorial job, Ang Panday.
Aniya, ipinagpaalam niya si Marie sa mga magulang nitong sina Boyet de Leon at Sandy Andolong at natuwa siyang suportado ng mga ito ang anak.
Ani Coco, tiniyak niya sa mga magulang ni Mariel na aalagaan niyang mabuti ang dalaga nila.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio