HINDI nakarating si Quezon City Mayor Herbert Bautista sa taunang paghahanda niya para sa entertainment press na nagdiriwang ng kanilang kaarawan simula Hulyo hanggang Setyembre ngayong taon.
Ang kapatid niyang si Harlene Bautista-Tejedor ang umasikaso sa amin na ginanap sa Salu Restaurant na pagmamay-ari nilang mag-asawang si Romnick Sarmenta na matatagpuan sa Scout Fernandez, Quezon City.
Kaya ang nag-iisang kapatid na babae na lang ang natanong kung kumusta na ang kapatid nilang si Hero Bautista na kasalukuyang nasa Rehabilitation Center para magpagaling.
Matatandaang nalulong sa droga ang Konsehal at kusa siyang nagpa-rehab noong 2016. Kaya tinanong si Harlene kung ano ang naging dahilan.
“Tungkol kay Hero, in general about drugs, malinaw talaga na salot talaga at naninira talaga ng buhay, walang pinipili. Kaya mahirap magbitaw ng salita kung may makita kayo na, ‘ay adik ‘yan’ dahil hindi natin alam kung ano ang pinagdaraanan ng mismong tao,” bungad ni Harlene.
Hindi napansin ng magkapatid na Herbert at Harlene na into drugs na pala si Hero.
“Actually, wala kaming napansin kasi siya ‘yung tipo na kung gusto niyang magpapayat for a role, kasi nagti-theater siya, so kung gusto niyang magmukhang lolo o ermitanyo, nagpapakapal siya ng buhok, gusto niyang magpaganda ng katawan, kaya niya.
“So wala kaming nakita o pagsususpetsahan namin and eversince naman naman kapag kinukumusta siya, parang ‘pumapayat ka’, sabi niya, ‘okay lang ako, nagpa-check up na ako.’
“Kukulitin ko pa ba, eh, sinabi naman niyong tao na okay siya? Siyempre matatanda na kami, at may kanya-kanya ng pamilya, so kung ano ‘yung sabi niya, ‘yun ang paniniwalaan namin,” katwiran naman sa amin ng aktres.
Sampung buwan lang mananatili sa loob ng rehab si Hero at nangako naman na paglabas ay going straight na.
“Physically, kung makikita mo, ang taba niya talaga. Very healthy siyang tingnan,” say ni Harlene.
Nabanggit din na lagi pa ring dumadalo si Hero sa sesyon nito sa konseho, “every Monday. Labas, tapos babalik din (rehab). Balikan lang. Nitong June lang nag-start. Pero ‘yung mga nakaraang buwan, wala talaga, wala.”
Never naman nalimutan ni Bistek ang kapatid at dinadalaw niya ito sa rehab, “oo naman. Pinupuntahan siya ni Kuya Herbert.”
Hindi naman itinanggi ni Harlene na nagalit ang kuya Herbert nila kay Hero, “well, I think normal, natural na reaksiyon, kahit naman ako, eh. Parang, halo-halo talaga, eh. Magtataka ka, magagalit ka. Malulungkot ka, maaawa ka, masa-shock ka. Iba-iba talaga.”
Sa tingin nina Harlene ano ang naging dahilan kung bakit nagkabisyo si Hero? “Marami siguro, patong-patong na rin.”
Sapantaha namin kaya nalulong ay dahil hiwalay na si Hero sa asawa niya at ang isang anak niya ay nasa kanya na nasa poder ngayon nina Harlene at ‘yung isa ay nasa side ng asawa.
“Annulled na si Hero,” sambit ni Harlene.
BISTEK BILANG SENADOR
Sa kabilang banda, kung ipagpapatuloy pala ni Herbert ang political career niya pagkatapos ng termino niya bilang Mayor ay mas gusto ni Harlene na maging senador ang kuya niya.
”Hindi ko nga alam, eh. May Senator, may Congress. Ako, mas gusto ko sana senator? Because mas bagay sa kanya.
“Sa tingin ko, mas marami siyang magagawa as a senator. He’s a good executive, he’s a good in‘yung ano, action siya, ‘yung implementation, ganyan.
“Hindi ‘yung naggagawa ng batas, nakaupo lang, ganyan. Hindi siya ganoon, eh.
“Although talagang very ano siya, ma-research, maaral,” pahayag ng nakababatang kapatid ni Bistek.
May planong pasukin din ba ni Harlene ang politika, “open naman ako kasi roon naman ako lumaki, so wala naman akong qualms about it.”
Tinanong namin ang lovelife ni Bistek.
“’Yan ang tanong, tanong ko rin ‘yan, eh. Si kuya is 49 years old na,” tumawang sagot sa amin.
Hindi ba maiiwan na sa biyahe si Bistek? “Mayroon ‘yan, may pag-asa pa, pinagno-novena ko ‘yan,” sambit sa amin.
TETAY AT BISTEK,
FRIENDS LANG
Eh, bakit natsitsismis na naman siya kay Kris Aquino? “Hindi ko rin alam, baka tsismis lang ‘yun.”
Inamin ni Harlene na nagkakausap sila ni Kris minsan, “okay naman kami, kapag naggi-guesting kami, nag-uusap naman kami. Noong wake ni papa (Butch Bautista), okay naman kami.”
Sa paniniwala ni Harlene, kaya okay ang samahan nina Bistek at Kris ay dahil pareho sila ng wave length, naging komportableng pag-usapan nila ang bagay-bagay, “okay sila, eh, marami silang napag-uusapan siguro. Sa tingin ko talaga magkaibigan lang kasi wala namang sinasabi si kuya. Kung mayroon kasi magsasabi naman ‘yun, pero wala talaga. I think they’re good friends, parang nahanap nila ‘yung gusto mo sa isang kaibigan.”
Kanino mas close si Harlene, kay Tates Gana na ina ng mga pamangkin niyang sina Athena at Harvey o kay Eloisa Matias na may dalawang anak na binata na rin si Mayor Bistek?
“Ahh, kasi si Eloisa parang recently ko lang siya nakausap talaga, and even the kids, last year lang sila nakilala, so catching up. Beinte (anyos) na yata (panganay),” pagtatapat ng nag-iisang kapatid na babae ni Herbert.
Wala ring alam si Harlene kung magkakilala o close ang mga anak nina Tates at Eloisa, “hindi ko alam.”
Nagkakausap ba sina Harlene at Tates? “Oo minsan ‘pag may kailangang pag-usapan.”
Gusto na ni Harlene na mag-asawa ang kuya Herbert niya dahil tumatanda na rin at kailangan na rin nito ng kasama sa buhay lalo’t mag-isa lang ito sa bahay niya bukod sa driver at kasambahay.
“Aminin natin, malungkot, ‘di ba? Kaya sobrang sakripisyo na talaga ni kuya, sana makahanap na siya ng babaeng kasundo niya, mapapangasawa niya,” pahayag sa amin.
Anyway, co-producer ang Heaven’s Best Entertainment sa pelikulang Larawan na planong isali sa Metro Manila Film Festival 2017.
FACT SHEET – Reggee Bonoan