INATASAN ni Cabinet Secretary at housing czar Leoncio Evasco Jr., ang Key Shelter Agencies na gumawa ng paraan upang magamit ang kanilang budget para sa Gender and Development para kagyat na masaklolohan ang mga kababaihan at kabataang bakwit ng Marawi City.
Ani Evasco, batid ng Palasyo na matatagalan ang pagtatayo ng mga pabahay para sa mga bakwit kaya’t sa ginanap na special meeting noong nakalipas na 26 Hunyo ay napagkasunduan na gamitin ng Key Shelter Agencies ang GAD budget upang mabilis na matugunan ang mga pangangailangan ng kababaihang bakwit.
Batay sa Republic Act 9710 o Magna Carta of Women, may mandato ang mga ahensiya ng pamahalaan na maglaan ng kahit 5% ng kanilang buong budget para sa GAD programs na tututok sa “gender issues and concerrns.”
Napuna ni Evasco na nahihirapan ang mga ahensiya ng gobyerno na gastusin ang buong budget kaya napagpasyahan na ilaan ang hanggang kalahati ng GAD funds sa kasalukuyan at hindi nagasta sa mga nakalipas na taon, para ayudahan ang mga kababaihang bakwit.
Ilan sa target na puntahan ng GAD funds ang hygiene kits at psychosocial support services.
Ang Key Shelter Agencies sa ilalim ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) ay National Housing Authority, Social Housing Finance Corporation, Home Development Mutual Fund o Pag-ibig Fund, Housing and Land Use Regulatory Board, Home Guarantee Corporation, at National Home Mortgage Corporation.
Umaasa si Evasco na magkaroon ng sariling inisyatiba ang iba pang ahensiya na maghanap ng paghuhugutan ng pondo upang matulungan ang mga apektado ng bakbakan sa Marawi City.
(ROSE NOVENARIO)