PANGUNGUNAHAN ng mga bata ngunit palabang manlalaro na sina Kobe Paras, Kiefer Ravena at Rayray Parks Jr., ang Pambansang Koponan na Gilas Pilipinas sa paparating na Southeast Asian Games sa 19-30 Agosto sa Kualu Lumpur, Malaysia.
Ito ang anunsiyo kahapon ni Gilas coach Chot Reyes sa kanyang twitter account na @coachot.
Makakasama nila ang mga kadete ng Gilas na ngayon ay naglalaro na sa PBA na sina Mike Tolomia ng Rain or Shine, Baser Amer ng Meralco, Von Pessumal ng Globalport, Kevin Ferrer ng Ginebra, Carl Bryan Cruz ng Alaska, Troy Rosario ng TNT, free agent na si Almond Vosotros, FEU standout na si Raymar Jose at Fiipino-German na si Christian Starhardinger.
Dedepensahan ng Gilas ang kampeonato na napanalunan nito noong 2015 sa Singapore sa pangunguna ng mga dating nasa koponan na sina Rosario, Ravena, Ferrer, Vosotros at Amer.
Magugunita, nitong nakaraang buwan ng Mayo ay pinagharian ng Gilas ang SEABA na parehong koponan din ang lalahok sa SEA Games ngunit PBA veterans ang sumalang dito.
Dahil halos magsasabay ang FIBA Asia Cup (8-20 Agosoto) sa SEAG, dalawang koponan ang binuo ng Filipinas para parehong mairepresenta ang bandila.
Sasalang din ang roster na ito ng Gilas sa Jones Cup sa 15-23 Hulyo sa Taiwan upang maging bahagi ng kanilang paghahanda sa SEA Games tampok ang mga umaangat na koponan sa rehiyon tulad ng Indonesia at Thailand.
Makaaasa ng tulong ang Filipinas sa Jones Cup sa katauhan ng TNT back-up import na si Mike Myers bilang reinforcement. Noong 2016, winalis ng representante ng Filipinas na Mighty Sports ang buong Jones Cup sa likod ng PBA veterans at dating PBA imports.
ni John Bryan Ulanday