KUNG mabibigyan ng ikalawang pagkakataon, hindi aniya mag-aautubili si Manny Pacquiao na sagupain muli sa ibabaw ng lona ang karibal na si Floyd Mayweather Jr.
Ito ang inihayag ng Pambansang Kamao sa Yahoo Sports sa ginanap na press conference sa Australia para sa WBO welterweight na sagupaan nila sa 2 Hulyo na binansagang Battle of Brisbane.
Ngunit ito ay kung madidispatsa nila ang kanilang mga kasabong sa mga nauna nang nakatakdang laban.
Pagkatapos ng Pacquiao laban kay Horn, si Mayweather naman ang makikipagbuno kontra UFC star Conor McGregor sa darating na Agosto para sa isang boxing match sa pagitan ng mundo ng boxing at MMA sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan.
Bagamat naghahanda sa laban kay Horn na sinabi ng boxer-politician na magaling at matatag kaya hindi dapat maliitin ay nagpahayag din ng opinyon niya si Pacquiao sa Mayweather-McGregor megafight.
Ayon kay Pacquiao, walang tsansang manalo ang MMA sensation at bagamat interesante ang pagsasama ng dalawang magkaibang isport ay hindi aniya manonood si Pacman.
Nagharap si Pacquiao at Mayweather noong 2015 na natalo ang Pinoy boxer sa unanimous decision.
Buhat noon, lumaban pa si Mayweather kontra Andre Berto sa huling bahagi ng taon bago nagretiro.
Si Pacquiao naman sa kabilang banda ay tinalo si Tim Bradley at noong Nobyembre 2016 ay ginapi si Jessie Vargas para sa titulo ng WBO welterweight.
Dedepensahan ni Pacman ang korona niya kontra sa mas nakababatang si Horn sa harap ng pro-Australian crowd sa Suncorp Stadium sa Brisbane na inaasahang dadagsahin ng 60, 000 katao. (JBU)