HANGGANG sa pagbibigay ng armas, bala at sasakyang pandigma sa Filipinas ay nagpapaligsahan ang Amerika at China.
Tatlong linggo matapos magkaloob ng mga baril ang US sa Philippine Marines para gamitin laban sa Maute/ ISIS terrorists, magbibigay ng mga bala at mga eroplano ang China ngayon sa Clark Airbase sa Angeles City, Pampanga.
Sasaksihan ngayong hapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang turnover ceremony ng “China’s Urgent Military Assistance Gratis to the Philippines.”
Samantala, naniniwala ang Palasyo na nagkakawatak-watak na ang Maute/ISIS dahil sa internal na tunggalian makaraan mapaulat na tumakas ng Marawi City ang lider nilang si Isnilon Hapilon.
“ Granting that this is true, it would be a clear sign of his cowardice because he abandoned his companions and has ran away from the battle. It may also be indicative of the infighting that may now be going on within the group. It may be a matter of time before they disintegrate or self destruct,” sabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Nanindigan si Abella na walang kinalaman ang gobyerno sa pakikipag-usap ng ilang religious leaders sa isang pinuno ng Maute Group noong Linggo.
Nananatili aniyang umiiral ang patakaran ng pamahalaan na hindi makikipag-usap sa mga terorista.
(ROSE NOVENARIO)