SUMAMA si Nora Aunor sa 2017 Metro Manila Pride March noong June 24 na ginanap sa Marikina City Hall’s Plaza Delos Alcaldes na ang tema ng okasyon ayHere Again. Dinaluhan ng mga LGBT member ang okasyon.
At bago natapos, inamin ng Superstar na kaya siya kasamang nagmartsa ay dahil kinukunan siya ng mga eksena para sa ginagawang pelikula ukol sa LGBT.
Aniya, ang ginagampanang papel ay isang lesbiana na may anak na bading at ‘yung pagma-martsa niya kasama ang mga bakla at lesbiana ay parte ng pelikula. ”Huwag naman nating isipin na gamitan ito, parte lang talaga ito ng pelikula at ang tamang panahon at lugar na magsu-shoot ay doon sa parada,” paliwanang nito.
Sa ginawang talumpati ng Superstar, inihambing nito ang tao sa isang makulay na bahaghari na maraming kulay at magkakaiba. Lahat ay pantay-pantay at may karapatang umibig sa kung sinuman, anuman ang kanyang kasarian.
“Gawin nating umibig at pakasal sa kung sinuman ang ating napupusuan at walang ibang puwedeng pumigil sa lahat ng nararamdaman natin sa laban nating nagmamahal,” pahayag nito.
Sa puntong ito, maraming nagulat nang pagkatapos nagbigay ng mensahe, may nakitang bahaghari sa langit as in, nakiisa sa paniniwala ng nag-iisang Superstar.
Matatandaang nakagawa na si Nora ng pelikulang may kinalaman sa bakla at lesbiana tulad ng T-Bird at Ako kasama si Vilma Santos noong 1982.
“Maliban po sa makiisa sa inyong pinakamimithi at inyong nararamdaman, dapat ipakita sa lahat ng tao na dapat ipagmalaki natin kung ano tayong lahat at walang iba kundi pantay-pantay, walang bakla, walang tomboy, walang babae, walang lalaki. Ipagmalaki natin kung anong nararamdaman natin bilang isang tao,”pangwakas nito.
STARNEWS UPLOAD – Alex Datu