PASADO sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong pagmultahin ang mga sasablay sa pag-awit ng “Lupang Hinirang.”
Ayon sa nakasaad sa House Bill 5224, dapat ay naaayon sa orihinal na areglo ni Julian Felipe, kompositor ng “Lupang Hinirang,” ang tiyempo ng pag-awit nito.
Ibig sabihin, dapat 2/4 beat ang pagtugtog dito, at dapat ay nasa 100 hanggang 120 beats per minute sa 4/4 beat kapag inaawit.
Bukod sa tamang pag-awit, nakalagay rin sa panukalang batas kung ano-anong okasyon lang puwedeng kantahin ang “Lupang Hinirang.”
Inoobliga ng panukala ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno na tiyaking nasasaulo ng mga estudyante ang “Lupang Hinirang.”
Sakaling maipasa ang batas, aabot sa P50,000 hanggang P100,000 ang multang haharapin ng mga lalabag sa probisyon nito.
Samantala, pinahihintulutan ng panukalang batas ang pagsasalin ng pambasang awit sa mga wika at dialekto sa mga rehiyon sa bansa.
Ang kondisyon lamang sa pagsasalin: dapat aprobado ng National Historical Commission at nasuri ng Komisyon sa Wikang Filipino.