INIHAYAG ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) nitong Martes, ipinauubaya nila sa gobyerno ang kapalaran ng isang pari na binihag ng mga bandidong Maute sa Marawi City.
Ito ay makaraan ialok ng terror leader na si Abdullah Maute, na palalayain ang bihag na si Fr. Chito Suganob kapalit ng kalayaan ng kanyang mga magulang.
“It’s a sensitive matter. Let’s leave it to the government and Fr. Chito’s bishop to decide on the matter,” ayon sa pahayag ng CBCP na inilabas ng kanilang public affairs committee.
“Our only wish is for the safe release of the hostages,” dagdag ng CBCP.
Nauna rito, iniulat na inialok ni Maute ang pagpapalaya kay Suganob nang makipagpulong siya sa walong Muslim leaders nitong Linggo habang umiiral ang 8-hour ceasefire na ipinatupad ng mi-litar bilang respeto sa pagdiriwang ng Eid al-Fitr.
Nagpahayag din ang terror leader nang ka-handaang iatras ang kanyang grupo mula sa Marawi kung mamamagitan ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at makikipagnegosasyon sa gobyerno.
Bineberipika ng militar ang nasabing ulat, ayon kay Armed Forces spokesperson, Brig. Gen. Padilla, kahapon.
Gayonman, sinabi ni Padilla, hindi ang militar ang magdedesisyon kung ano ang nararapat gawin ng pamahalaan.
Magugunitang tinangay ng mga terorista si Suganob at ilan pang parishioners mula sa St. Mary’s Cathedral noong 24 Mayo, makaraan mag-lunsad ng pag-atake ang mga bandido laban sa mga tropa ng gobyerno na tumutugis kay Isnilon Hapilon, ang lider ng Abu Sayyaf.