NANINIWALA ang Malacañang, ang pagtatakwil ng mga lokal na pamahalaan at mga mamamayan sa terorismo ang susi upang hindi ito umusbong sa Filipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, ang komitment ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wakasan ang terorismo ng Maute-Daesh/ISIS ay nangangailangan nang ganap na suporta ng lokal na pamahalaan at mga mamamayan.
Ayon kay Abella, nakatuon ang operasyong militar sa Marawi City sa paglilinis sa siyudad sa mga armadong terorista na patuloy na nagdudulot ng manaka-nakang enkuwentro sa mga pumapasok na tropa ng pamahalaan.
Walang humpay aniya ang pagligtas sa mga residenteng bihag ng mga terorista at pagrekober sa labi ng mga sibilyang biktima.
Inaayudahan ng AFP ang mga lokal na pamahalaan, civil society organizations, at non-government organizations sa relief operations.
Ikinakasa, ani Abella, ang pagtulong ng militar sa yugtong 3Rs, rehabilitation, reconstruction at rebuilding kapag napuksa na ang rebelyon, na pangungunahan ng Joint Task Group Ranao.
Batay sa ulat ng AFP, ang bilang ng mga na-patay ay 27 sibilyan, at 290 terorista, habang 347 ang narekober na mga armas mula nang magsi-mula ang bakbakan sa Marawi City noong 23 May.
(ROSE NOVENARIO)