MARAWI CITY – Kinompirma ng drug enforcement unit ng Philippine National Police (PNP) sa Marawi City ang pagkakakompiska ng dalawang kilo ng hinihinalang shabu, P10 milyon ang halaga, sa bahay ng isang dating alkalde ng lungsod, nitong Biyernes.
Ayon sa report, nagsasagawa ng clearing operations ang pulisya sa Brgy. Bangon nang makakita ng ilang shabu paraphernalia. Sinundan nila ito hanggang makarating sa bahay ni dating Marawi Mayor Omar Solitario Ali.
Dito natagpuan ng mga awtoridad ang dalawang kilo ng hinihinalang shabu sa isang cabinet sa ikalawang palapag ng bahay.
Magugunitang nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na papatayin si Ali sa pagkakasangkot sa kaguluhan sa Marawi.
Kabilang ang pangalan ni Ali sa listahang inilabas ng Department of National Defense (DND) ng mga taong sinasabing may kinalaman sa krisis sa Marawi City at iba pang parte ng Mindanao.
Isang buwan na ang bakbakan ng mga tropa ng gobyerno at mga teroristang nauugnay sa Islamic State sa Marawi City, nagresulta sa 375 patay, kabilang ang 280 terorista, 69 sundalo at pulis, at 26 sibilyan.