SUGATAN ang isang barangay chairman makaraan pagbabarilin ng dalawang riding-in-tandem habang sakay ng kanyang sport utility vehicle (SUV) sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Unang itinakbo sa San Juan de Dios Hospital ang biktimang si Kristo Hispano, 37, chairman ng Brgy. 649, Zone 88, at residente sa Blk.17A, 1 Bagong Lupa, Baseco, Port Area, Maynila, at kalaunan ay inilipat sa Ospital ng Maynila.
Ayon sa ulat kay Manila Police District (MPD) Police Station 9 commander, Supt. Rogelio Ramos, naganap ang insidente dakong 9:45 pm habang sakay ang biktima ng kanyang Toyota Fortuner (ZPR-148) sa panulukan ng Roxas Boulevard at P. Quirino St., Ermita.
Papunta sa Pasay City ang biktima makaraang dumalo sa awards night ng 10 Outstanding Barangay Chairman sa Manila Hotel, kabilang siya sa awardee, bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-446 Araw ng Maynila.
Base sa salaysay ng biktima, dinikitan siya ng mga suspek na nakasakay sa dalawang scooter at siya ay pinagbabaril.
Nabatid na nitong Martes, tinambangan at napatay ng riding-in-tandem ang isang retiradong miyembro ng Philippine Marines, na ka-lugar ni Hispano, na si Jujie Lim Umandac.
Inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa politika ang magkasunod na pananambang sa da-lawang biktima.
(BRIAN GEM BILASANO)