NAKOMPISKA ang tinatayang P50,000 halaga ng cocaine sa isang buy-bust operation sa Leviste St., Makati City nitong Miyerkoles.
Arestado sa nasabing operasyon ang suspek na si Robert Siosion, 43, sa aktong pagbebenta ng naka-sachet na cocaine sa mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG).
Nakuha mula kay Sioson ang pitong sachet ng cocaine na tumitimbang ng pitong gramo kada sachet.
Tumangging magbi-gay ng pahayag ang suspek at sinabing na-stroke siya kaya hindi makapagsalita.
Samantala, sinabi ni Supt. Enrico Rigor, may nagbigay sa kanila ng impormasyon sa mga transaksiyon ni Sioson bilang tulak ng cocaine.
“Hirap siyang abutin iyung pera dahil sa sakit niya pero nung makompirma na cocaine ang ibinebenta niya hinuli na agad siya,” ani Rigor.
Nahaharap si Sioson sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.